IYAN ang tawag ngayon ng marami sa Commission on Elections. Commission on Elimination matapos nitong idiskuwalipika si presidential aspirant Grace Poe sa pagiging kandidato sa pagka-pangulo.
Anang barbero kong si Mang Gustin, “balasubasan” na ang labanan!” Kasi daw, binalewala ng ikalawang dibisyon ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagbasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa kasong diskwalipikasyon laban kay Sen. Grace Poe na iniharap ni Rizalito David.
Anang COMELEC, kulang ang mga taon na inilagi ni Poe sa bansa para maging kwalipikado sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa. Baket? Hindi ba malinaw na ito sa naging desisyon ng SET sa kasong isinampa kontra sa senadora?
Hindi ako nagmamarunong dahil hindi ako abogado. Pero may nakasaad sa Konstitusyon kaugnay nito. Anang Artikulo VI, Seksiyon 17 ng Saligang Batas: “Ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng sari-sariling Hukumang Panghalalan na magiging tanging tagahatol ng lahat ng mga tunggalian hinggil sa halalan, mga ulat ng halalan, at mga kwalipikasyon ng kani-kanilang mga Kagawad.
Nagdesisyon nang pabor kay Poe ang SET. Pero bakit hindi ito kinonsidera ng Comelec 2nd Division sa desisyon nila?
At bakit wala sa nakuha nating kopya ng desisyon ang talata na nagsasabing hindi nasunod ni Poe ang mga rekisitos para maging ganap na kandidato sa pagkapresidente sa 2016? Hmn… there’s something fishy, ‘ika nga ng kasabihang Ingles. At sinu-sino nga ba ang sumulat ng naturang desisyong nagsasabing hindi puwedeng kumandidato si Poe? Tingnan natin kung sino-sino sila:
Al Parreño, na naging kwestiyonable ang pagkakaluklok sa Comelec bilang komisyuner kasi hindi rin sapat ang taon ng pagiging abogado nito para maging opisyal ng naturang kawanihan. At ito pa, bakit ang espesyalidad ng taga-pangulo ng ikalawang dibisyon ng Comelec ay hindi pala electoral laws kundi information technology?; Si Rod Rivera na naging propesor ng Polytechnic University of the Philippines College of Law ang bumatikos sa pagkakatalaga ni Parreño sa Comelec;
Iyong isa naman, si Arthur Lim, e ka-brad pala sa fraternity ni Associate Justice Antonio Carpio, na siyang nagtayo ng tinaguriang “The Firm.” Gayundin si Parreño, “kapatid” din nila sa Sigma Rho. At ito pa, si Lim pala ay abogado ng Sulpicio Lines, ang may-ari ng M/V Princess of the Stars na naging “floating coffin,” nang bigla itong lumubog at kumitil ng buhay ng daan-daang katao, at;
Si Sheriff Abbas, eh kamag-anak naman pala ng MILF spokesperson Mohagher Iqbal. Kaya kayo na ang humusga, kung talaga bang patas ang naging hatol nila laban kay Grace Poe.