EDITORYAL - Mag-ingat sa X’mas lights na madaling masunog

KAMAKALAWA, sinalakay ng mga awtoridad ang mga tindahan sa Greenhills shopping center at nakakumpiska roon ng mga depektibong Christmas lights. Ang mga Christmas lights ay walang ICC markings kaya walang kalidad. Mga gawang China at Taiwan ang mga pailaw na madaling masunog dahil maninipis ang wire. Ang mga ito ang pinagmumulan ng sunog. Sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nag-short na Christmas lights ang dahilan ng sunog sa panahon ng Pasko.

Hindi lamang sa Greenhills shopping center may mga depektibong Christmas lights, marami rin sa Divisoria, Recto, Carriedo, Baclaran, Cubao at marami pang lugar sa Metro Manila. Nakalatag ang mga ito sa bangketa at bungkos-bungkos ang mga Christmas lights na binebenta ng 3 for P100. Murang-mura kumpara sa mga makabagong Christmas lights na LED type na ang 100 lights ay P500.

Pero dahil mahirap ang buhay, kinakagat na rin ng mamamayan na walang gaanong budget ang mga depektibong Christmas lights. Maaari nang pagtiyagaan dahil kumikindat-kindat at papalit-palit din naman ang mga ilaw.

Subalit kapahamakan ang maaaring idulot ng mga Christmas lights na ito. Ang mga ito ang karaniwang nagdudulot ng sunog sa Metro Manila. Kapag nag-init ang bulb, uusok ito at dito na magsisimula ang apoy. Mas madaling kumalat ang apoy kapag nakadikit sa kurtina at iba pang light materials.

Depektibong Christmas lights ang dahilan kaya namatay ang anak na babae ni dating House Spea-ker Jose de Venecia ilang taon na ang nakararaan. Nasunog ang bahay ng Speaker at nakulong sa kuwarto ang anak. Kumalat ang apoy na nagmula sa mga pekeng Christmas lights.

Mahigpit ang payo ng Department of Trade and Industry, bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC markings.  Dumaan ito sa pagsusuri at aprubado ng DTI. Huwag tangkilikin ang mga pailaw na magdudulot ng panganib sa buhay. Kung nais na maging masaya at ligtas ang Pasko, huwag gumamit ng mga Christmas lights na mumurahin at depektibo. Kapahamakan ang idudulot ng mga ito.

Show comments