UMANGAL ang bata na miserable ang buhay niya, at hindi niya malampasan ang kade-kadenang problema. Niyaya siya ng ama, isang chef, sa kusina, Doon nilagay ng ama ang patatas sa isang kaserola ng tubig, itlog sa ikalawang kaserola, at giniling na kape sa ikatlo. Sinindihan niya ang kalan at walang kibong hinintay ang pagkulo, habang naiinip na umaangal pa rin ang bata.
Makalipas ang 20 minuto, hinango ng ama ang patatas sa isang tasa, ang itlog sa ikalawang tasa, at ang kape sa ikatlo. Pinahawakan sa bata ang malambot na patatas, pinatalupan ang hard-boiled na itlog, at pinatikim ang kape. “Ano ang nakikita mo?” tanong ng ama.
Mabilis sumagot ang bata: “Ano pa. e di patatas, itlog, at kape.”
Matiyagang nagpaliwanag ang ama. “Masdan mong mabuti,” aniya. “Lahat sila nagbago. Ang patatas na nu’ng una ay matigas, naging lapsak. Ang itlog na dating marupok ay naging matibay hanggang loob. Pinaka-iba ang giniling na kape, Matapos itong pakuluin, binago niya mismo ang tubig -- hindi lang ginawang kakulay, kundi pinabango at pinasarap pa.”
“Ano’ng ibig sabihin niyan, Ama?” nagningning ang mata ng bata.
Ngumiti rin ang ama: “Lahat sila ay idinaan sa parehong pagsubok ng kumukulong tubig. Merong nanlambot, merong tumibay, at merong nagbago pa ng kinalalagyan. Ganun din ang mga pagsubok na dinadaanan ng tao sa buhay. Maari siyang pahinain o patatagin nito. At maari rin niya ito gamitin para baguhin ang sitwasyon niya.”
Ano tayo sa tatlo? Kapag sinalubong ng pagsubok, nagiging patatas, itlog, o giniling na kape ba tayo?
Tandaan: Parating may pagsubok; nasasaatin kung papaano ito haharapin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).