EDITORYAL- HIV-AIDS campaign paigtingin ng DOH

AYON sa report ng Joint United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS) , bumaba ang kaso ng mga nagkakaroon ng HIV-AIDS sa buong mundo, maliban sa siyam na bansa at isa rito ang Pilipinas. Ayon sa UNAIDS, ngayong 2015 bu­maba ng 35 percent ang mga nagka-HIV-AIDS infection mula nang tumaas ito noong 2000. Bumaba rin ngayong taon ng 42 percent ang mga namatay dahil sa nasabing sakit mula nang tumaas ang bilang noong 2004.

Maganda ang hatid na balita ng UNAIDS sa tinutungo ng nakamamatay na sakit subalit hindi naman maganda ang nangyayari sa bansa kung saan ay dumadami ang nagkakaroon ng HIV-AIDS infection. Lubhang nakababahala ang biglang pag­dami ng mga HIV-AIDS na ayon sa report ay mayroong 6,555 kaso mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon. Noong nakaraang taon, 6,011 ang naitalang kaso. Lubhang napakabilis nang pagdami ng mga nagkakasakit sapagkat sa loob lamang ng isang taon ay lumobo na agad ito at tila hindi na mapigilan.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga nagpa-positive sa HIV-AIDS ay mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa nila lalaki. Nasa 80 percent ang mga kaso nang pakikipagtalik sa kapwa lalaki. Ayon sa DOH, hindi gumagamit ng protection gaya ng condom ang mga nagtatalik. Sumunod na nagpopositibo sa HIV-AIDS ay ang mga drug user kung saan nag-iinject sila ng droga gamit ang iisang heringgilya dahilan para sila magkahawahan.

Isang dahilan kung bakit may mga nahahawa pa rin sa kabila ng mga programa at babala ng DOH ay dahil sa kawalan ng kaalaman sa sakit na HIV-AIDS. Nang kapanayamin sa TV ang isang lalaking nagtatrabaho sa call center sinabing nahawa siya dahil walang sapat na kaalaman sa AIDS.

Marami pang Pilipino ang walang muwang sa AIDS. Sa kabila na marami nang namatay sa sakit na ito, salat pa rin sila sa kaalaman. Dahil sa kamangmangan kaya sila mamamatay. Dapat kumilos ang DOH at paigtingin ang kanilang kampanya laban sa AIDS. Ipaalam sa mamamayan ang mga dapat gawin para makaiwas sa sakit na ito.

Show comments