TUWING sumasapit ang Disyembre, abalang-abala ang masasamang elemento ng lipunan sa “paghahanapbuhay.” Ang kanilang trabaho? Mandukot, mangholdap, manloko at mang-agaw.
Mahirap talagang intindihin ang isipan ng ibang tao. Kung bakit mas gusto nila ang gumawa ng masama at dungisan ang kanilang pangalan ay mahirap ipaliwanag.
Sa halip na magtrabaho nang marangal ay pawang pamiminsala sa kapwa ang kanilang pinagkakaabalahan.
Hindi nila dapat ituring ang kanilang sarili na yagit ng lipunan. Kung mayroon man silang tatak na markang rehas, hindi pa huli para magbagong buhay.
At dahil nga very busy ang mga “mandu,” “manghu” at “manlo” sa kanilang pambibiktima ng mga tahimik at matitinong mamamayan, dapat mag-double time sa mga kalye ang mga pulis.
Dapat, magpakita sila ng visibility hindi lamang sa mga kalye kundi maging sa labas ng mga mall, shopping centers tulad ng Divisoria at Baclaran at iba pang matataong lugar.
Dapat ding alerto ang mga pulis at traffic enforcers ng MMDA sa mga tuso at walanghiyang taxi driver na hindi lamang pinipili ang pasahero kundi kinukontrata pa ng mga mapagsamantalang tsuper.
Nagpapagunita rin kami sa mga kababayang magsa-shopping hindi lamang ng panregalo kundi panghanda sa noche buena na huwag magsusuot ng mamahaling alahas. Mamimili kayo at hindi kayo dadalo sa party sa isang five-star hotel.
Dapat sa inyong pagsa-shopping ay mayroon na kayong listahan ng inyong bibilhin. Magdala lamang ng sapat na pera at ang bag na dalhin sa pamimili ay yung pinakamura at hindi handbag na signature brand na daang libo ang halaga.
Dapat ding hiwa-hiwalay ang inyong shopping money. Ilagay ang kalahati sa wallet sa loob ng handbag at ang kalahati ay sa bulsa ng inyong suot na jeans. Mas praktikal ang mag-jeans kaysa magbestida sa pagsa-shopping.
Tandaan, hindi kayo mabibiktima ng mga masasamang elemento ng lipunan kung kayo ay laging alerto at maingat.
Hayaan ninyong ako ang unang bumati sa inyo ng isang maligaya at pinagpalang Pasko at isang mapayapa at maunlad na Bagong Taong 2016.