MUKHANG umaayon ang mga political developments kay Liberal Party presidential bet Mar Roxas na sa mga nakaraang surveys ay laging huli sa listahan.
Ang frontrunner sa karerang panguluhan na si Grace Poe ay idiniskuwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) samantalang ang pumapangalawa sa kanya sa rating na si VP Jojo Binay (bagamat maganda pa rin ang rating) ay dumadausdos ang popularidad dahil sa mga nagsusulputang isyu ng katiwalian laban sa kanya.
Samantala, ang bagong kadedeklarang presidential bet ng PDP-Laban na si Rodrigo Duterte ay “bagyo” ang dating sa masa dahil sa ipinakikitang determinasyon sa pagsugpo sa kriminalidad at korapsyon, sukdulang magbitiw siya ng mga pananalitang marahas o masakit sa tenga.
Yung karakter na “bugoy” na ipinakikita ni Duterte na alkalde ng Davao City ay humakot sa kanya ng malaking bilang ng mga tagahanga at tagasunod at pati ang kanyang pagmumura at pagpapahiwatig na handa niyang iligpit ang lahat ng talamak na kriminal ay mabenta sa taumbayan. Palibhasa ay asar na ang nakararami sa lumulubhang kaso ng mga katiwalian at krimen sa bansa na tila walang magawa ang gobyerno. Glaring example din kasi ang Davao City bilang isang lungsod na halos walang nangyayaring krimen dahil ang sino mang gumagawa ng kabalbalan ay itinatapon sa dagat at ginagawang pagkain ng isda. Sa mga naniniwala sa rule of law at human rights advocates, “bad” iyan. Very bad!
Pero kesehoda kay Juan dela Cruz na ang hanap ay kapayapaan at kaayusan.
Pero marami na’ng tinabangan kay Duterte at nag-alis ng suporta sa ginawa niyang pagmumura mismo sa pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katoliko na si Pope Francis dahil sa matinding trapikong nangyari nang dumating ang Papa.
Ang isa-isang elimination ng mga matitinding kalaban, kahit ito’y bunga lang ng pagkakataon o sindadya man ay tiyak na magdudulot ng benepisyo sa kandidatong walang kinakaharap na masamang isyu pero nahuhuli sa rating game. At iyan nga ay walang iba kundi ang pambato ng administrasyon na si Mar Roxas. Pero wala muna tayong definite conclusion. Abangan pa natin ang kawing-kawing na political developments mula ngayon hanggang matapos ang halalan sa Mayo 2016.