NANG manalasa ang Bagyong Yolanda noong Nob. 8, 2013, maraming donasyong bigas at food packs ang nasira at hindi nakarating sa mga biktima. Karamihan sa mga bigas ay nabulok lamang sa mga bodega ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Food Authority. Inamin naman iyon ng DSWD. Ayon sa DSWD ang mga sako ng bigas ay nabasa habang dinadala sa mga biktima ng Yolanda sa Eastern Samar at iba pang lugar. Karamihan sa mga bigas at donasyong pagkain ay ibinaon na lamang sapagkat hindi na mapapakinabangan. Habang maraming biktima ng bagyo ang namumroblema kung saan kukuha ng kakainin, nabulok lamang ang mga bigas dahil sa hindi maayos na pag-transport. Naiwasan sana ang pagkasira ng bigas at mga naka-pack na pagkain kung naging maingat sa pagdadala. Walang sistema ang DSWD kung paano ihahatid ang mga donasyong bigas.
Pero hindi pala iyon ang huling pangyayari kung saan maraming nasirang bigas. Pati pala ang mga bigas na intended sa mga biktima ng Bagyong Ruby na nanalasa noong Disyembre 2014 ay hindi rin napakinabangan dahil nasira rin.
Nabasa rin ang mga bigas na dadalhin sana sa mga biktima ng Bagyong Ruby sa Dagami, Leyte. Inamin ng DSWD-8 na marami ngang bigas ang nasira at ibinaon na lamang ang mga ito. Umano’y nasa 284 sako ng bigas ang nasira habang nasa bodega sa Tacloban City. Ang mga bigas ay bahagi umano ng 3,704 sako ng bigas na donasyon para sa mga biktima ng bagyong Ruby.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa Dagami, Leyte, natuklasan nila ang mga ibinaong bigas. Hinukay ang mga iyon at nakita ang mga sako ng bigas na may “NFA” at “DSWD” markings. Nakabaon iyon sa hukay na may lalim na walong talampakang hukay at 10 talampakang luwang. Bukod sa mga sako ng bigas, may nahukay ding mga naka-pack na pagkain at mga lata ng sardinas.
Nakapagtataka kung bakit nabasa at nasira ang mga bigas at pati mga naka-pack na pagkain. Hindi na natuto ang DSWD sa nangyari noong 2013 na nasira ang mga bigas at ibinaon din. Mga uod lamang ang nakinabang sa halip na mga biktima ng bagyo.