DUMATING na sa bansa ang dalawang FA-50PH Golden Eagle na eroplanong pandigma. Ito ang unang delivery ng 12 eroplano na binili ng bansa, bahagi ng modernisasyon ng hukbong himpapawid. Galing South Korea ang mga eroplano. Ang 10 eroplano ay ihahatid din sa bansa sa loob ng dalawang taon. Inabot ng higit $400 milyon ang pagbili sa mga eroplano.
Natuwa si Defense Sec. Gazmin sa pagdating ng mga eroplano, at nagpahayag na naibalik muli ang bansa sa “supersonic age”. Ilang dekada ring nangulelat ang Philippine Air Force kumpara sa ibang hukbong himpapawid ng mga bansa sa Asya. Mga eroplanong iniretiro dahil luma na, at mga eroplano na hindi naman talagang mga eroplanong pandigma. Ayon nga sa pilotong Pilipino na nagsanay ng pitong buwan sa South Korea para paliparin ang FA-50PH, parang nagmamaneho raw siya ng Ferrari. Mas mabilis, mas maliksi. Ang mga pilotong nagsanay sa South Korea ang magtuturo naman sa ilang piloto para sa sampung eroplano na parating pa.
Ayon kay Gazmin, ang dalawang FA-50PH ay sa kanlurang Palawan ilalagay, para magamit sa pagbantay ng ating teritoryo. Makakaresponde kaagad ang mga FA-50PH sa karagatan, kung kinakailangan. Dahil sa kasalukuyang pagtatalo at alitan sa China bunsod ng pag-aangkin ng mga isla sa Spratlys, napilitang gawing moderno ang militar ng bansa. Sa tulong na rin ng maraming bansa, unti-unting nakakamit ito. May utos si President Aquino na bumili pa ng mga gamit militar, tulad ng mga helicopter, barkong pandigma, karagdagang eroplano pati na ang mga sandata para sa FA-50PH.
Pero ilang taon pa bago malagyan ng mas malalakas na sandata ang mga FA-50PH natin, tulad ng mga missile. Kailangang magsanay na muna nang husto ang mga piloto at ibang-iba na ang eroplanong ito kumpara sa S-211 at F-5 na nakasanayan ng ating mga piloto. Pero sa kabila ng pagkatuwa natin sa ating bagong eroplano, tandaan na wala pa ito sa dami at lakas ng militar ng China. Ang kanilang hukbong himpapawid ay may halos 3,000 sari-saring eroplano. Ang kanilang hukbong karagatan, may higit 400 barkong pandigma, hindi pa kabilang ang iba pang mga barko na sumusuporta sa mga ito. Ganun pa man, hindi na tayo ang kilalang may mahinang militar dahil sa modernisasyon. Ang administrasyong Aquino lang ang gumawa ng mga hakbang para maging moderno muli ang hukbong sandatahan.