SUA

ILANG insidente ng biglang pag-andar ng mga Mitsubi- shi Montero Sport ang lumantad na sa media. May CCTV pa kung saan nakuhanan ang isang Montero Sport na biglang umabante at umatras sa paradahan, na nagdulot ng pagkasira ng ilang sasakyan. “Sudden Unexpected   Acceleration” (SUA) ang tinatawag sa kondisyong ito. Ayon sa Mitsubishi Motors Philippines Corporation, 97 kaso na ang naitalang SUA ng Montero Sport. Anim na pala ang namamatay dahil sa pangyayaring ito. Kaya ang tanong, bakit tila walang aksyon mula sa kumpanya?

Baka naman parang “tanim-bala” rin ang tingin sa pangyayari, na masyadong konti ang bilang ng mga insidente kumpara sa dami ng Mitsubishi Montero na wala namang diperensiya. Pero ano ang saysay ng mga nu-merong iyan kung ang mahal mo sa buhay ang nabiktima ng SUA? Kung dahil sa isang pagkakataong naganap ang SUA, nasagasaan ang asawa, anak, kamag-anak o kaibigan mo?

Hindi bago ang kondisyong ito. Natatandaan ko, noong dekada otsenta, naging problema umano rin ito ng isang kumpanya sa Amerika. Mga insidente kung saan biglang umaandar na lang ang sasakyan kahit hindi naman daw tinatapakan ang silinyador. May mga namatay – isang bata at isang matanda - kaya nabalita sa media, at gumawa ng imbistigasyon. Napawalang-sala ang kumpanya, at sinabing ang disenyo ng mga pedal ng sasakyan ay iba kasi sa nakasanayan ng mga Amerikano, kaya talagang naapakan ang silinyador at hindi ang preno. Kumbinsido ang iba, ang iba hindi.

Maraming bagong sasakyan ang may mga computer box. Hindi na kable ang bumubukas sa silinyador, kundi mga motor na de-kuryente na tumatanggap ng mga signal mula sa computer box, na rumeresponde naman sa mga aksyon ng nagmamaneho. Kaya hindi malayo na may problema ang mga nasabing computer box, na biglang magpapaandar sa mga sasakyan. Ilang kumpanya ang naglalagay ng mga “fail-safe” na sistema para hindi mangyari ang SUA. Dapat malaman kung ang mga Montero sa bansa ay may mga ganitong sistema. Mag-iimbistiga na rin ang DTI sa insidente ng SUA ng Montero. Hinihikayat nga ang lahat ng eksperto sa sasakyan na tumulong sa imbistigasyon, para malaman ang dahilan. At paalaala ng mga eksperto sa kotse, mas malakas pa rin ang preno kaysa sa makina, basta nasa maayos na kundisyon ang preno. Kaya kung sakaling maganap ang SUA sa inyong sasakyan, tapakan ang preno. Siguraduhin lang na preno ang tatapakan.

Show comments