MAGPAKATAO sana si P-Noy. Kung ayaw niyang sibakin sina Transport Sec. Joseph Abaya at pinsang NAIA manager Jose Angel Aquino Honrado sa kapalpakan sa “tanim-bala” extortion racket, aminin na lang niya. Huwag na magpalusot ng kung anu-ano, at magbintang sa kung sinu-sino. Sa asal niya, pinagtatakpan pa ang mga nangingikil ng P30,000-P80,000 sa mga tinakot na biktima. Lalakas lang ang loob ng mga mangingikil sa mga papaalis na pasaheros.
Nitong nakaraang linggo, nagsalita na sa wakas si P-Noy tungkol sa krimen na lumala simula nu’ng Setyembre. Pero luma lahat ng sinabi niya; parang echo lang siya nina Abaya at Honrado. Aniya sine-sensationalize lang ng media ang “tanim-bala.” Sa 34 na milyong gumagamit ng NAIA taun-taon, ayon sa baluktot na statistics niya, 1,400 lang ang naulat na nahulihan ng bala, 70 lang ang kinasuhan, at dalawa lang ang umangal na kinikilan ng tiwaling airport security screeners. May naninira lang daw sa administrasyon, na batid na mapapahaba ang isyu dahil matatagalan imbestigahan ang modus operandi. Kaya iimbestigahan na rin daw kung sino itong naninira na ito.
Ala-Marcos si P-Noy sa pagbibintang ng paninira para pagtakpan ang kapalpakan. Kaya, imbis na mag-ulat na ang NBI ng pagsisiyasat, inatras ito nang dalawang linggo, para mag-imbento ng kuwento ng paninira. At kaya naman nagtagal ang imbestigasyon ay dahil nagpalusot-palusot pa sina Abaya at Honrado. Ito’y bago mabisto ang kanilang katangahan sa televised Senate inquiry.
Hindi lang dalawa kundi 11 na ang naghahabla na extortion: Tatlong OFWs, tatlong Amerikanong misyonaryo, dalawang Fil-Ams, dalawang US immigrants, at isang apo na nagdala ng lola sa Singapore.
Pakaisipin sana ni P-Noy na isa man lang na biktima ay sobra na. Ika nga ng isang biktima, hindi ba’t ang pagpaslang ng iisang tao sa NAIA nu’ng Agosto 1983 ang nagbago ng tadhana ng bansa?