ANG lisensya ay isang prebilehiyo hindi karapatan. Ipinagkakaloob ito ng estado sa isang motorista kaakibat ang mga responsibilidad.
Hindi ito nabibiling parang lugaw lang sa gilid-gilid o kung ano-anong uring paninda sa bangketa. May mga prosesong obligadong pagdaanan ang isang aplikante bago makakuha ng lisensya.
Malaking isyu ngayon sa Department of Transportation and Communication (DOTC) ang bago nilang panuntunan sa pagkuha ng lisensya na kung tutuusin noon pa dapat ipinatupad.
Sinimulan nito lang nakaraang linggo, obligadong mag-presinta muna ang isang aplikante ng driver license ng identification clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine National Police (PNP).
Hindi sang-ayon dito ang maraming transport groups. At tulad ng nakagawian na kaliwa’t kanan na naman ang mga pulitikong S.A.S (sawsaw, angkas, sakay). Dagdag gastos lang daw ang NBI at police clearance.
Mabuti naman sa wakas may ginawa ring tama si DOTC Sec. Joseph Abaya. Sa anumang kadahilanan kumambyo at bumaligtad siya sa hiling ng mga kumu-kontra at umaatungal na transport groups.
Baka nga naman mapuruhan at umaray na naman ang kanilang manok sa Liberal Party na si Mar Roxas. Tiyak masasapol na naman ang kaniyang ratings at popularidad.
Kahit na ako, sang-ayon sa bagong mandato ng DOTC. Dapat lang na lahat ng kukuha ng lisensya kinaka-ilangang mag-presinta muna ng mga sertipiko na inisyu ng mga law enforcement agency bago mabigyan ng lisensya.
Walang pinagkaiba sa mag-aaplay ng trabaho. Isa sa mga kwalipikasyon ng kumpanyang aaplayan ang mga dokumentong magpapatunay na nasa tamang mentalidad, malinis ang rekord, walang anumang criminal liability at hindi demonyo sa lupa ang isang aplikante.
Ganito dapat ka-istrikto ang DOTC. Sinumang kukuha ng lisensya sa Land Transportation Office (LTO) dapat may disiplina, marunong sumunod sa mga batas-trapiko at nauunawaan ang kaniyang mga responsibilidad habang nasa likod ng manibela.
Mabuti naman at tinututukan na ng DOTC ni Sec. Abaya ang problemang ito.
Kung sa umpisa pa lang itinuro at naidikdik na sa kukute ng bawat motorista na ang lisensya ay isang prebilehiyo at hindi karapatan para maging tarantado at siga sa lansangan, tiyak mababa ang estatistika ng mga aksidente at disgrasya sa daan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming mag-log on sa bitagtheoriginal.com.