KARANIWANG ang petsa ng kamatayan ng mga bayani ang ipinagdiriwang sa halip na ang kanilang kapanganakan. Pero hindi ito nangyari kay Andres Bonifacio na ang ika-152 kaarawan ay ginugunita ngayon. Hindi maganda ang naging kamatayan ng Supremo ng Katipunan kaya hindi ang araw na iyon ang ipinagdiriwang. Karumal-dumal ang kanyang naging kamatayan hindi sa mga kamay ng kaaway kundi sa kanyang mga kapwa rebolusyunaryo. Pinatay siya at kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa isang bundok sa Cavite. Makaraan silang patayin, inilibing sila sa isang lugar na walang palatandaan kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon ay kay Bonifacio. Inilagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Legislative Building. Nang bombahin ng mga Hapones ang Maynila noong World War 2, kasamang nasira ang mga buto ng bayani.
Ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Manila noong Nobyembre 30, 1863. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Habang walang ginagawa, nagbasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas --- itak laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming namatay sa mga Katipunero. Pero sa kabila niyon, hindi sumuko si Bonifacio.
Nakalulungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga Kastila kundi sa kamay ng kanyang mga kasama sa kilusan. Hindi malilimutan si Bonifacio sapagkat siya ang sumasagisag sa mga maliliit. Mananatili sa isipan ng bawat isa ang ipinakita niyang tapang at pagmamahal sa bayan. Siya ang tunay na bayani ng masang Pilipino.