MARAMING nakaaalam kung paano ko iniligtas sa kuko ng kamatayan ang OFW na si Sarah Balabagan. Nahatulan siya ng kamatayan nang mapatay ang among Emirati dahil sa pagtatanggol sa kanyang dangal.
Tuwing nababasa ko sa diyaryo si Mary Jane Veloso na death penalty din ang parusa sa Indonesia, nagbabalik-alaala sa akin ang limang OFWs na nailigtas ko sa kamatayan sa United Arab Emirates noong ako pa ang ambassador doon. Sila ay sina Sarah Balabagan, Tarhata Akaz, Wahida Malaydin, Lina Bentiroso at John Aquino. Ang tatlong hinatulan ng kamatayan ay sina Balabagan, Malaydin at Aquino samantalang sina Akaz at Bentiroso ay iba ang naging kaso ngunit sa kamatayan din sana ang kinahantungan.
Napatay ni John Aquino ng Binmaley, Pangasinan ang isang Indian national dahil sa pagtatanggol sa sarili. Ngunit hindi siya pinaniwalaan ng korte. Siya raw ay guilty at ang parusa ay kamatayan. Naisip ko na mas intresado ang mga kamag-anak ng namatay na Indian na mamatay si John kaysa blood money na hinihingi nilang $200,000. Dahil maykaya sila ay naging British citizens at nag-migrate sa United Kingdom.
Agad akong kumilos. Nakipagkita ako sa chief justice, mga sheik, sa Indian ambassador at nakiusap ng kanilang pang-unawa sa kadahilanang humanitarian. Ngunit matapos nila akong pakinggan ay sinabi nila na ang batas ay dapat masunod. Hindi nila mapatawad si Aquino. Nakatakda siyang humarap sa firing squad sa Ajman, UAE.
Sa Pilipinas, sumuko na ang mga opisyal ng DFA at gusto na nilang ihanda ang isipan ng ating mga kababayan na imposible nang maililigtas si Aquino. Nang hopeless na ang lahat, muli akong nakipagkita kay British Ambassador Anthony Harris.
Binanggit ko sa kanya na dahil ang mga kamag-anak ng Indian national na napatay ni Aquino ay mga British citizen, sila ay nasa ilalim ng mga batas ng United Kingdom. At dahil walang death penalty sa nasabing bansa kaya hindi dapat patayin si Aquino.
Hindi makapaniwala ang ambassador ngunit wala siyang nagawa kundi payagang makalaya si John Aquino dahil sa teknikalidad. Kahit ano pa ito maligaya ako dahil sa pagliligtas sa isa na namang buhay ng OFW.