NOONG Huwebes ng hapon super energy ang Manila’s Finest sa naganap na bonding hosted by Manila Police District director C/Supt. Rolando Nana na dinaluhan ni NCRPO director Joel Pagdilao. Taas-noo ang kapulisan ng MPD dahil sa kaayusan sa loob at labas ng headquarters. Ito na yata ang pinakamakaling gastos este renovation na naganap sa kasaysayan ng MPD matapos ang di matatawarang suportang ibinahagi ni Manila mayor Joseph Estrada sa Manila’s Finest. Sinapawan na ni Gen. Nana ang lahat ng mga pagbabagong anyo ng headquarters ng mga nagdaan director na nag-renovate nito. Iyon nga lang mukhang nabura na sa Philippine Historical Institute ang anyo dahil nawala ang pagiging antigo.
Subalit hindi na isyu yan mga suki, dahil ang pagbabago ng MPD headquarters ay hindi naman nakikita sa pagbabago ng anyo nakikita ito sa trabaho ng mga pulis. Kaya ang okasyon ay akma sa inagurasyon at siyemre bilang pasasalamat na rin sa kapulisan na nagpakapagod at nagpakapuyat nitong nagdaang APEC Summit. Kaya si Gen. Pagdilao ay dumalo sa bonding upang personal na pasalamatan ang MPD.
Subalit bago ang kaganapan ng programa, nagkaroon muna ng nakakasindak na kaganapan sa may Sta Cruz na kung saan pinagbabaril ng isang naburyong kono na sekyu ang kanyang mga bosses makaalis lamang ng mga imbestigador ng Theft and Robbery Section. To the rescue agad itong buong tropa ng MPD sa lugar na kung saan nailigtas ang mga sugatan at hostage employees ng Chain Glass Enterprises Inc. Ang masakit nag-ugat ang pagburyong ng sekyu ng dahil lamang sa kantiyaw o pambu-bully ng ilang empleyado na walang magawa sa buhay.
Kaya mga suki, iwasan po natin na maulit pa ganitong eksena nang hindi na malagay sa alanganin ang buhay ng mga inosenteng tao. Samantala nang mapawi ang pagod ng mga kapulisan at ni Nana natuloy na ang bonding sa MPD ground. Pinarangalan nina Pagdilao at Nana ang mga opisyales na karapat-dapat na bigyan ng award sa nakalipas na APEC summit.
Kaya nang kumagat na ang dilim sa kapaligiran isinagawa na ang super laklakan este boodle fights bilang tradisyon ng unity of brotherhood. Hindi po iyan nanggaling sa P500,000 loses ni Pergalan Queen Marissa ng Maynila. Ito kasing si Marissa ay may kontrata umano sa mga tiwaling opisyales ng MPD na manakapag-operate ng kanyang illegal na sugalan diyan sa Quiapo mula Oktubre hanggang Pebrero na naunsiyami matapos na salakayin ng mga tauhan ni Pagdilao. Hehehe! Kung sino-sino na ang ginawang padrino para mabuksan ang kanyang color games at Drop Ball ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa siyang makuhang makamandag na koneksyon kayat sarado pa ang kanyang puwesto. Mas lalong hindi po iyan sobra sa P50k weekly payola sa mga Hao Shiao. Ang masarap na handa ay galing po iyan sa ipon ni Gen. Nana at ng Command. Hehehe! Pabuya po iyan sa mga kapulisan na nagtrabaho ng patas para sa siguridad ng APEC Summit, kayat nararapat lamang na parangalan sila nina NCRPO dir. Pagdilao at ni Gen Nana. Get n’yo mga suki!