MARAMING nadismaya nang ibasura ni President Noynoy Aquino ang proposal na bawasan o babaan ang income tax. Maraming manggagawa at empleado ang umasang aaprubahan ito ng Presidente sapagkat sa mga nakaraang buwan, malakas ang usapan na maaaring magkaroon ito ng kaganapan. Pero noong nakaraang Martes, ganap nang ibinasura ni Aquino ang panukalang income tax cut. Ang mga mambabatas na nagsulong sa income tax cut ay nagsabing itutuloy nila ang protesta. Kahapon, maraming sumusuporta sa income tax cut ang nagsuot ng itim na t-shirt bilang protesta.
Paliwanag ng Presidente kung bakit tutol siya na babaan ang income tax ay sapagkat ayaw daw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang papalit sa kanya. Nasaan naman daw ang konsensiya niya kung iiwan ng problema ang susunod na Presidente. Pinag-aralan daw niyang mabuti ang magiging epekto sakali at tapyasan ang income tax. Sabi pa niya, hindi pa raw panahon para ibaba ito. Ang posisyon na huwag ibaba ang income tax rate ay suportado nina Finance Secretary Cesar Purisima at BIR Commissioner Kim Henares.
Kung inaprubahan ng Presidente ang kaltas sa income tax, madadagdagan ang iuuwing suweldo ng manggagawa o empleado. Maaaring hindi na mangutang ang manggagawa sapagkat nabawasan nga ang kaltas sa tax.
Ayon sa panukala, ang mga sumusuweldo ng P20,000 hanggang P70,000 isang buwan ay kakaltasan ng 10 percent at ang kumikita nang mahigit P1 milyon sa isang taon ay kakaltasan ng 25 percent. Sa Southeast Asia tanging ang Pilipinas ay may mataas na income tax rate.
Wala na ngang aasahan ang manggagawa sa pagbaba ng income tax. Kahit pa magkaroon ng increase ang mga manggagawa, kakainin lamang ito nang malaking tax. Balewala ang anumang pay hike sapagkat mapupunta lamang sa buwis. Ang masakit baka kurakutin lamang ito.
Mababaw naman ang sinabing dahilan ng Presidente kapag kinaltasan daw ang income tax ay baka mag-iwan siya ng problema sa papalit sa kanya. Bakit puproblemahin niya ang hindi pa nangyayari? Bakit kailangang magsakripisyo ang mamamayan na ang kanilang kinikita ay halos lamunin ng buwis? Sana, naisip niyang ang pagbaba ng tax ay malaking tulong sa karaniwang manggagawa. Wala ba siyang damdamin?