SA wakas, nahatulan na sa kasong murder si Jason Ivler, anak ni Marlene Aguilar. Naganap ang pagpatay ni Ivler kay Renato Victor Ebarle Jr., noong 2009 dahil lamang sa alitan sa kalsada. Tumakas si Ivler at nagtago ng higit dalawang buwan. Itinanggi ng kanyang ina na kinukupkop niya si Ivler, at paluhang nanawagan sa TV na sumuko na sa otoridad ang kanyang anak at harapin ang kaso, dahil wala namang kasalanan. Pero nadiskubre na nagtatago sa bahay ni Aguilar sa Blue Ridge, at nang aarestuhin ay nakipagbarilan pa sa mga pulis. Tinamaan siya kaya sumuko, pero ipinagyabang pa sa ina na kaya niyang patayin lahat kung gusto niya. Naaalala ko na nanawagan pa si Marlene Aguilar sa militar ng Amerika na tulungan ang kanyang anak.
Wala tayong death penalty, kaya kahit natuwa naman ang pamilya ni Ebarle, mas gugustuhing bitay ang parusa. Marahas kasi ang krimen. Walang awang binaril si Ebarle dahil muntik lang magbanggaan ang kanilang sasakyan. Anim na taon ang hinintay ng pamilya ng biktima para sa hustisya. Pero isang krimen na naganap din noong 2009 ay wala pang linaw kung mapaparusahan nga ang mga akusado.
Nobyembre 2009 naganap ang pinakamadugong insidente ng pagpatay sa mga mamamahayag sa buong mundo. Limampu’t walo ang walang-awang pinatay umano ni Andal Ampatuan Jr. at kanyang mga tauhan sa Maguindanao. Tatlumpu’t apat ay miyembro ng media. Sinubukan pang ilibing ang mga sasakyan gamit ang backhoe na may pangalang Ampatuan. Anim na taon na rin ang lumipas, pero tila walang progreso sa kaso. Ilang mga testigo ang namatay na, ilan ang binawi ang mga salaysay, at walang katapusang antala mula sa kampo ng mga Ampatuan ang matagumpay nilang nakakamit. Nakapiyansa’t malaya na nga ang isa sa mga suspek. Nawawalan na ng pag-asa ang mga kapamilya ng mga biktima kung makakamit ang hustisya sa administrasyon ni President Aquino. Dehadong-dehado ang mga pamilya ng mga biktima dahil sa kapangyarihan at kayamanan ng mga Ampatuan.
Sana naman, may magandang balita na rin sa kaso ng Maguindanao massacre.