NOONG nakaraang Sabado ng madaling araw pinalad ako na makasama sa sorpresang raid sa New Bilibid Prison (NBP) Dormitory-9 na pinangunahan ni Bureau of Correction (Bucor) Director Ricardo Rainier Cruz. Super higpit ang pagpasok dahil sa unang pinto ng NBP kaila-ngang sumailalim sa body search at pagrekisa sa dalang bag bago tatakan sa kamay ng entry. Bago pa ‘yan inakyat muna kami sa pinaka-rooftop ng NBP na kung saan abot tanaw ang mga dormitory at galaw ng mga preso. Doon din namin tinatanaw ang pagpapalabas sa mga presong nakataas ang mga kamay bago isa-isang pinaupo sa kalye. Makalipas ang mahigit kalahating oras pinayagan na kaming bumaba ng gusali, ngunit nang nasa ibaba na kami muli kaming isinalang sa body search at muling tinatakan ng entry, iyon na pala ang huling dalawang pintong papasok sa maximum compound.
Open naman kaming kumuha ng video at larawan dahil pinayagan kami ni Cruz maliban na lamang sa mga taga-radio na pinakiusapang huwag munang magbato sa ere ng kaganapan. Una munang naming sinaksihan ang paghalughog sa cuerna ng Dorm-9 kung saan isa-isang inilabas ang mga electric fan, gas range at telebisyon. Sa bubungan naman ng Dorm-9 sinamsam ang mga kable ng telebisyon anthena. Ngunit napansin namin na may mga bagay na kinumpiska ng mga BuCor raider katulad ng mga itak, bakal na tinulisan ang dulo at isang portable aircon. Matapos nito lumipat naman kami sa Dorm-9B at doon may nakuhang isang caliber 45 nakasiksik sa dingding ng bodega. Mula sa Dorm-9B itinuloy ang paghalughog hanggang sa Dorm-9B3 kaya sangkatutak na kontrabando ang nasamsam.
Doon ko personal na nakausap si Cruz hingil sa operasyon isinagawa. Ayon kay Cruz pinatigil na niya ang pagpapasok ng mga construction materials sa loob ng maximum kaya kakaunti na ang mga gamit na nasamsam. Ang lahat pala na nahuhulihan ng mga ipinagbabawal na kagamitan katulad ng TV, cell pone, Wi-Fi, baril , matatalas na bagay ay maykaragdagan kaso na ipapataw. Ito rin umano ang magiging dahilan upang maipatapon sa malalayong penal colony ang isang preso. Sa ngayon umano bumaba na ng may 10% ang bayarin sa kuryente ng NBP matapos ang walang humpay na pananalakay. Hindi naman daw niya ipinagkakait ang panonood ng telebisyon ng mga preso kung kaya sa bawat dorm ay may common television siyang inilagay.
Sa ngayon ay inaantay na lamang niya ang Implementation sa BuCor bilang karagdagang jailer upang punuan ang kakulangan subalit may pasaring siya na wawalisin niya ang lahat ng mga personnel na nasasangkot sa palusutan ng mga kontrabando. Mukhang seryoso itong si Cruz na linisin itong namamahong NBP dahil sa ngayon nakakitaan naming mga taga-media na malinis at maayos na ang kapaligiran ng Maximum Security Compound. Ngunit may paalala si Dir. Cruz sa mga dadalaw, iwasan po ninyong magpalusot ng kontrabando dahil hindi siyang mangingiling na kasuhan din ang bawat lalabag. Ayon pa kay Cruz magiging regular na ang kanilang “Oplan Galugad” na sila na mismo ang gaganap dahil bumababa ang kanilang morale ng BuCor sa tuwing mapapasukan sila ng iba’t ibang law enforcers .Hehehe! Iyan ang ating aabangan mga suki!