SA LUNES, Nob. 30, lalayag ang 10,000 kabataan mula sa 82 probinsiya ng Pilipinas patungo sa Pag-asa Island sa Spratly Archipelago. Pakay ng kanilang «Freedom Vo-yage to the Kalayaan Island Group» na igiit ang pag-aari ng bansa sa mga isla at bahura roon. Pinili nila ang Araw ng Pagsilang ni Andres Bonifacio para sa kanilang demonstrasyon bilang sagisag ng kahandaan nila na ialay ang talino at buhay para sa kasarinlan ng Inang Bayan.
Dalawang malalaking bangka ang mamumuno sa expedition. Nangangalap sila ng pondo at donasyon para makahiram o makaupa ng mas malalaking barko na susunod sa kanila. Tinatayang aabutin nang dalawang linggo ang pagtungo pa lang sa Pag-asa. Hihinto sila sa mga maliliit na bahura sa territorial waters ng Pilipinas, at iikutin din ang mga batuhan at buhanginan (shoals) sa loob ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Kabilang dito ang Mischief Reef, na inagaw ng China mula sa Pilipinas nu’ng 1995. Ang KIG ay nasa dulo ng EEZ, at bahagi na ng 150-mile extended continental shelf ng bansa.
Pamumunuan sila ni dating Marine Capt. Nicanor Faeldon, dating nasangkot sa Oakwood Mutiny nu’ng 2003. Nu’ng 2012 pa lang, nagbalak na si Faeldon pamunuan ang 2,000 bangka ng mga maliliit na mangingisda mula sa Kanlurang Luzon para tuligsain ang pag-agaw ng China sa Panatag (Scarborough) Shoal, na tinagurian ding Bajo de Masinloc dahil bahagi siya ng kapangalang bayan sa Zambales province.
Para sumali o magbigay tulong sa ano mang paraan. o humalaw ng dagdag pang balita, hanapin sa Facebook ang “Kalayaan ATIN ITO.”
Ngayon pa lang ay nananakot na ang China. Nagtanod ng isang armadong barko sa gilid ng Pag-asa, pinakamalaking isla ng Kalayaan, bayan ng Palawan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).