KAHAPON, ikinakabit na ng mag-anak na pulubi ang sira-sirang sako at punit na tarpaulin para magsilbing bubong ng kanilang tirahan sa Baywalk. Sa di kalayuan, isang lalaking palaboy ang prenteng nakahiga sa silong ng isang halaman. Ang sapin ay ang nanlilimahid na karton. Habang sa kabilang bahagi ng Roxas Blvd. ay maraming namamalimos na bata, matanda at babaing may kargang sanggol.
Sila ay kabilang sa mga hinakot ng DSWD ilang araw bago idaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Hindi lamang sa Roxas Blvd. makikita ang mga palaboy marami pa sila.
Tapos na ang APEC kaya balik sa normal ang mga pulubi, palaboy at mga naninirahan sa ilalim ng flyover, waiting shed at kariton. Muli na namang aakyat sa mga pampasaherong dyipni ang mga batang palaboy para manghingi ng limos. Balik na uli sa pagkatok sa mga salamin ng sasakyan ang mga babaing Badjao habang kilik ang anak at namamalimos.
Isang linggo bago idaos ang APEC summit, pinaghuhuli ang mga palaboy at pulubi sa Baywalk at iba pang lugar na malapit sa venue ng konperensiya. Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinaghuhuli nila ang mga palaboy at binigyan ng P4,000 para magastos. Ang ilang pamilya at mga palaboy na bata ay dinala sa Boys Town Complex sa Marikina. Pero sabi ng mga dinala sa Boys Town, hindi sila iniintindi roon. Atrasado ang pagkain nila. At ang pangakong doctor na titingin sa kanila ay wala naman daw. Mas maganda pa raw noong nasa Baywalk sila at kumikita at kumakain sa oras.
Nang dumating si Pope Francis ay itinago rin ang mga pulubi sa isang resort at nang makaalis ang Papa, muling ibinalik sa pinanggalingan. Maaaring ganito rin ang mangyari sa mga pulu-bing itinago sa APEC summit.
Ganito na lang ba lagi ang gagawin ng DSWD? Hindi ba sila makakagawa nang permanenteng solusyon para sa mga kapus-palad na palaboy at mga walang tahanan. Tuwing may darating ba na mga lider ng bansa o may summit ay laging itatago ang mga pulubi? Kailan matatauhan ang DSWD?