May napakinabang ba sa APEC-2015?
ANANG gobyerno may pakinabang ang bansa mula sa P10 bilyong gasta sa pag-host ng Asia Pacific Economic Cooperation 2015 summit. Kung ano-anu ‘yon, ewan ko. Ang alam ko, batay sa mga ipinahayag ng 21 pinuno ng mga Ekonomiya na dumalo, ito ang kalagayan natin:
• Tinuligsa nila ang mga teroristang pag-atake sa Paris at Beirut, at pagpapabagsak ng eroplanong Ruso. Kasabay nito pinugutan ng teroristang Abu Sayyaf sa Sulu ang Malaysian hostage mula Sabah.
• Tumalima sila sa kaunlaran bilang pinaka-mabisang panlaban sa terorismo at radikal na Islam. Samantala, nananatiling pinaka-mahihirap na probinsiya ang Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi.
• Nagkaisa sila na iangat ang daan-daang milyong nilalang sa mundo mula karalitaan. Sa Pilipinas nitong nakaraang 30 taon, 26-27% ng populasyon -- isa sa bawat apat na pamilya -- ang dukha.
• Ikinalungkot nila na maraming napag-iiwanang mga bansa sa pag-unlad ng mundo. Isa ang Pilipinas sa napag-iiwanan.
• Lalabanan nila ang climate change. Mahalaga sana ito para sa Pilipinas, na nu’ng 2013 ay tinamaan ng pinaka-malupit na bagyo sa kasaysayan ng tao. Sanhi umano ito ng pag-init ng karagatan sa Equatorial Belt. Pero nanahimik lang ang Philippine delegation sa APEC-2015. Ito kaya’y dahil nahihiya sila na, sa ipinangako ng gobyerno na pagtayo ng 10,000 bahay na nga lang (50,000 ang inako ng NGOs at mga pribadong kumpanya), ni hindi umabot sa 1,000 ang nagawa?
Tema ng APEC-2015 ang “inclusive (tayo-tayo) economics.” Pero inetsa-pwera ng gobyerno ang 14 milyong Metro Manilans -- itinago sa tanaw ng mga bisita. Nauna ru’n, tumanggi si P-Noy sa panawagan ng middle class na babaan sana ang individual-income taxes. Napaka-taas nitong P125,000-buwis ng P500,000-taunang kita, plus 32% ng labis. Karaniwang suweldo lang sa call center ang P500,000, pero pinaka-mataas ang buwis sa sulok na ito ng Southeast Asia.
- Latest