DALAWANG buwan na ang nakalilipas nang dukutin ng mga armadong lalaki ang dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pilipina sa Ocean View Marina Yacht Club sa Barangay Camudmud, Island Garden City of Samal.
Lumitaw ang isang video na umano’y padala ng Abu Sayyaf extremist group na kung saan ang mga Canadian na sina Robert Hall at John Ridsdel, Norwegian Kjartan Sekkingstad at ang Filipina na si Maritess Flor ay kaawa-awang pinalibutan ng mga armadong lalaki. Hinihingi ng kanilang captors ang P1 billion kada isa bilang ransom.
Pinaniniwalaang nasa kuta na ng Abu Sayyaf sa Sulu ang mga bihag.
At nagkataon na inutusan ni President Aquino ang Armed Forces of the Philippines na ubusin ang Abu Sayyaf lalo na noong pinugutan nila ng ulo ang isang Malaysian hostage sa kasagsagan ng Asia-Pacific Economic Conference (APEC) summit sa Maynila noong nakaraang linggo. Isa sa mga dumalo sa summit ay ang Prime Minister ng Malaysia.
Sa mga kaganapang ito naalala ko si Nadzmie Saabdulla, alias Commander Global, noong pinaunlakan niya ako ng interview sa loob ng isang piitan bago siya dinala sa Bicutan.
Si Commander Global ang nanguna sa raid noong May 22, 2001 sa Pearl Farm Resort sa Samal Island na ikinasawi ng dalawang tao.
Si Commander Global ang tinitingalang ‘utak’ ng Abu Sayyaf dahil siya ang may pakana ng ilang kidnapping noong kapanahunan niya. Siya rin umano ang pasimuno ng raid sa Ipil, Zamboanga Sibugay noong 1995.
Si Commander Global ang sinasabing edukado, wide reader at intellectual sa grupo nila at siya lang sinasabing nakapagtapos ng pag-aaral sa kanyang mga kasamahan.
At isa si Commander Global sa mga namatay na Abu Sayyaf leaders nang sinalakay ng mga pulis ang Bicutan jail noong March 2005.
Sinabi ni Commander Global noon na mawala man siya at ang kanyang mga kasamahang namumuno ng Abu Sayyaf noong panahon nila patuloy na may lalabas na mga bagong pinuno ng bandidong grupo.
Naalala ko na talagang nakapustura si Commander Global noong hinarap niya ako, suot niya ang isang maong na pantalon, green checkered polo shirt at may maayos na nakatiklop na puting panyo sa bulsa sa harapan ng kanyang polo.
Ni minsan hindi ginalaw o kinuha ni Commander Global ang puting panyo na nakasabit sa bulsa sa kanyang dibdib. Ni minsan hindi niya ito ginamit na pamunas sa pawis na tumutulo sa gilid ng kanyang mukha dahil sa tindi ng init ng araw nang kami ay nag-usap.
Tuwing naalala ko ang puting panyo ni Commander Global naalala ko rin ang sinabi niyang magpapatuloy ang operasyon ng Abu Sayyaf kahit matagal na siyang patay.
Kaya hanggang ngayon patuloy ang pangingidnap at pang-aatake ng Abu Sayyaf.
Ngunit bakit tila hindi alam ng pamahalaan kung paano tuldukan ang problema ng Abu Sayyaf?