Pailag

BINANSAGANG isang “APEC hottie” si Canadian Prime Minister Justin Trudeau, kasama ni Mexican President Enrique Peña Nieto. Hindi siya nakatakas sa mga Pilipinong humanga sa kanyang mala-artistang itsura – matangkad, guwapo, lahat na. May mga okasyon nga noong APEC na kinailangang kontrolin at pagsabihan ang mga tao kapag nakikita na ang dalawang “APEC hotties”. Patunay na madaling humanga ang mga Pilipino sa mga mala-artistang personalidad.

Pero sa kabila ng kanyang magandang imahe, may isyu na bahid sa imaheng iyan. Baka nakakalimutan na ng marami ang tone-toneladang basura na ipinadala ng isang kompanya sa Canada sa ating bansa. Limampu’t limang container ng basura ang umabot sa ating bansa mula Canada noong 2013. Dalawang taon na ang lumipas, wala pa ring solusyon kung ano ang gagawin sa basura. Sa madaling salita, walang kilos ang gobyerno ng Canada para bawiin ang basura.

Kaya nang magsalita si Trudeau sa APEC at may nagbanggit ng mga basura, ang kanyang sagot ay karaniwan ng isang pulitiko. Pailag, walang katiyakan. Sinabi na dahil sa insidente, nasiwalat ang ilang butas sa kanilang mga batas na kailangang tagpian, para hindi na maulit ang pangyayaring ito. Kumikilos na raw ang kanilang mga mambabatas para maayos ang problema. Pero, walang binanggit kung babawiin ang mga basu­rang nandito na. Ang kanilang ginagawang solusyon ay para hindi na maulit, at hindi para maayos ang nangyari nang problema.

Dahil walang kumikilos, ang basura ay itinambak na sa Capas, Tarlac, gastos pa ng bansa. Hindi ikinatuwa ng mga residente doon. Kinasuhan ang kompanyang tatanggap umano rito ng basura dahil may mga batas na nagbabawal talaga ng pagpapadalang basura sa ibang bansa. Pero ganun nga, nasa bansa pa ang basura at dito na nabubulok, dagdag perwisyo sa kalikasan natin. Kaya sa kabila ng paghanga ng marami kay Trudeau, dismayado naman ang iba sa kanya. Sana man lang sinagot ang paglipat ng basura sa Tarlac. Pero mukhang idinaan na lang lahat sa ngiti.

Show comments