‘Bukol ang naiuwi sa pamilya!’

BAKIT ANG MALILIIT ang madalas tapak-tapakan at hindi tulungan? Dahil ba ang katapat ay may kinang na ginto na inyong pinakikinabangan? Maging patas naman kayo sa ating mga kababayan.

 “Nung hindi niya natupad ang balak niyang panggagahasa hindi na nila ako pinakain. Pipino at patatas lang ang panlaman tyan ko,” sabi ni Nancy.

Unang inilapit sa amin ni Darrel del Rosario ang tungkol sa kanyang pinsang si Nancy Aclo na nagtatrabaho sa Dammam bilang Household Service Worker (HSW) at pinamagatan namin itong ‘Berdugong Arabo’.

Hindi pinapakain, walang maayos na pahinga at halos lahat ng trabaho ay ginagawa niya. Sinasaktan pa siya ng kanyang employer kaya napagpasyahan niyang humingi ng tulong kay Darrel.

“Pinaglilinis siya ng banyo gamit ang muriatic acid tapos isinasara ang pinto kaya hirap na hirap si Nancy,” ayon kay Darrel.

Ang ahensyang JVR Placement Co. Inc. ang nagpaalis sa kanya. Napunta siya sa employer na si Abdulrhaman Bareet Moubarak Alshamri. Sa Al Jouf Province ito nakatira.

Sabi pa sa amin ni Darrel balak daw itong gahasain ng amo. Agad kaming nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.

Nakipag-usap siya sa ating Consul General na si Redentor Genotiva. Tumulong na rin ang Consul General natin sa Riyadh na si Ezzedin Tago upang maresolba ang problema ni Nancy.

Ayon kay Consul General Tago nailapit nila ang problema sa POLO Eastern na nakatoka sa Dammam. Nagpadala na sila ng ‘welfare officer’ para sadyain si Nancy sa amo nito.

Malayo ang kinaroroonan ni Nancy kaya’t ilang araw din ang tinagal baka makarating ang tutulong sa kanya. Tinawagan kami ni Nancy mula Dammam para ipaalam na dinala na siya sa ospital ng kanyang amo dahil sa pananakit ng kanyang tiyan.

“Ilang buwan na akong dinudugo at sinabing may problema na raw ako sa matres. May bukol na rin ako sa bituka,” wika ni Nancy.

Nawawalan na ng pag-asa si Nancy nang tumawag ang welfare officer sa kanya. Paparating na raw sila at dumaan lang sa istasyon ng pulis para makipag-coordinate.

Nung araw ding yun ay nakuha si Nancy sa employer at dinala sa bahay kalinga. Ika-anim ng Nobyembre 2015 nakauwi na si Nancy ng Pilipinas.

“Hindi ko gaanong magalaw ang kanan kong braso dahil yung amo kong babae lagi niyang hinihila,” salaysay ni Nancy.

Kwento ni Nancy alas sais ng umaga ang alis ng kanyang mga amo para magtrabaho at uuwi ng alas tres ng hapon.

Isang araw nang nasa loob na siya ng banyo bandang alas onse ng umaga bigla na lang may tumulak ng pinto. Hubo’t hubad  na siya.

“Nung una nadadala pa siya ng pasigaw-sigaw ko sa kanya. Ilang beses niya na akong balak lapitan. Nung nasa banyo na ginawa ko lahat para mapigilan siya,” pahayag ni Nancy.

Itinulak niya ito at lumaban siya hanggang sa ito na rin ang tumigil. Agad siyang nagsumbong sa kanyang Madam na asawa ng among lalaki pero hindi raw ito pinaniwalaan.

Mabait daw ang kanyang asawa kaya hindi niya ito magagawa.

“Tumawag ako sa ahensya ko at ini-report ko ang nangyari. Hindi nila ako pinansin. Hindi sila umaksyon dahil nakausap daw nila ang employer ko at ayos daw ang kalagayan ko dun,” salaysay ni Nancy.

Nung humiling siya sa amo na dalhin sa ospital dahil halos pitong buwan na siyang dinudugo nakita niyang may inireseta sa kanya ang doktor. Itinago ito ng kanyang among babae at sinabi sa kanyang hindi raw malala ang kanyang kalagayan.

“Ninakaw ko pa yun sa bag niya. Nung nasa bahay kalinga na ako dun ko nalaman na may dalawang bukol na pala ako sa matres. Yung bituka ko nagdikit-dikit na,” sabi ni Nancy.

Ibinili siya ng iniresetang gamot nung nasa bahay kalinga na siya dahil kung madadaan daw sa gamot ay mas mabuti. Kapag hindi kailangan niyang sumailalim sa operasyon dahil baka mauwi ito sa kanser.

Maliban sa iniinom may gamot din daw na pinapasok sa kanyang ari.

Para makauwi kaagad iniurong na ni Nancy ang reklamo laban sa kanyang amo dahil mas gusto niyang dito na lang makauwi ng bansa.

Kinausap din ni Consul General Redentor Genotiva ang ahensya niya na ayusin lahat ng dokumentong kailangan ni Nancy at pati na rin ang tiket pauwi.

“Nagpadala ang ahensya ng tao dun at tinanong nila kung ano pa ang kailangan ko at magpapadala raw sila,” salaysay ni Nancy.

Inasikaso naman ng ahensya ang iniutos ni Consul. Gen. Genotiva at nakauwi na si Nancy sa Pinas. Pinapapunta raw siya ng ahensya sa opisina pero mas minabuti niyang pagtuunan muna ng pansin ang kanyang kalagayan.

“Nagpapasalamat po ako sa inyo sa maaga ninyong pa­masko. Kahit na kamote lang ang kainin ko dito sa Pilipinas hindi na ako babalik sa abroad. Na-trauma ako sa mga pinagdaanan ko dun,” kwento ni Nancy.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, talagang mas paniniwalaan ng ahensya ang employer kasi dun siya kumikita.

Mas maganda kung makausap nila ng personal ang kanilang pinaalis sa pamamagitan ng kanilang foreign principal na mas malapit sa employer.

Kung nag-imbestiga lamang kayo at nagpakita ng pagkalinga kay Nancy baka naman nag-iba ang pananaw ninyo.

Nagpapasalamat kami sa bumubuo ng DFA at sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Dammam na nagtulung-tulong para matugunan ang inilapit naming problema.

Mabuhay kayong lahat sa walang sawang pagtulong sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa at walang mahingian ng tulong kapag sila ay inaagrabyado, minomolestiya o pinagsasamantalahan ng kanilang mga employer.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments