Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
ANG MAWALA KA SA IBANG BANSA ay napakahirap. Mas lalong mabigat ang problema ay kung nawawala ka na, nawawala ka pa sa iyong sarili!
“Ang layo niya para kami ang maghanap. Hindi nga namin alam kung ano ang address niya, baka pagala-gala na dun ang kapatid ko,” sabi ni Marvin.
Mayo taong 2014 nang magtungo sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang kapatid ni Marvin Camagon na si Cezel Camagon.
Nagpatulong siyang makapasok bilang Household Service Worker (HSW) sa ahensiyang Rejoice Employment International Corp. na matatagpuan sa Pedro Gil, Ermita Manila.
Nalaman niya ang tungkol sa ahensya nang may magrecruit sa kanyang kakilala.
Inisip niyang hindi naman malaki ang kinikita niya bilang kasambahay kaya naging interesado si Cezel sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Pareho lang naman ang trabaho ng kasambahay at HSW ang pinagkaiba ay ang lugar at ang sahod na kanyang matatanggap.
Ulila na sila sa ina at magsasaka naman ng palay ang ama nina Cezel. Maging si Marvin ay ito rin ang pinagkakakitaan.
Kung makakapag-abroad si Cezel makakatulong siya sa pamilya para kahit paano guminhawa man lang sila.
Dinayo niya ang Maynila mula Cagayan Valley para lang magkaroon ng mas magandang trabaho.
Bente sais anyos pa lang si Cezel at bunso sa dalawang magkakapatid. Labing pitong libong piso ang kikitain nito sa isang buwan sa pagtatrabaho sa Riyadh.
Maayos naman ang kalagayan ng kanyang kapatid dun nung nakaraang taon hanggang sa tumawag ito sa kanila noong Nobyembre 1, 2015.
“Hindi ko na siya gaanong maintindihan. Para raw siyang nawawala sa kanyang sarili. Ang gulo niya na kausap,” ayon kay Marvin.
Hindi raw ganun kausap ang kanyang kapatid dati.
Tulala daw ang kanyang kapatid at may iba raw siyang nararamdaman sa kanyang sarili.
Nag-alala ang pamilya sa kalagayan ni Cezel pero inisip nila na baka na-home sick lang ito dahil unang beses niyang umalis ng bansa.
Kinabukasan ika-dalawa ng Nobyembre may tumawag sa kanilang OFW din sa Saudi.
“Nakita raw nila ang kapatid ko sa labas na tulala. Kinupkop nila tapos yung nakakitang OFW sa kanya dinala naman siya sa isang Pinay dun,” pahayag ni Marvin.
Inihatid ng Pinay sa lugar na tinitirhan ng kanyang amo si Cezel pero hindi sa mismong bahay kundi sa lugar lang. Nag-aalala ngayon sina Marvin dahil baka hindi ito pinapasok ng kanyang amo.
Hindi rin nila alam ang eksaktong pangalan at address ng employer ni Cezel dahil wala itong iniwang kopya ng kahit na anong dokumento tungkol sa pag-alis nito ng bansa.
“Wala na kaming kontak sa kanya ngayon. Lumuwas ako ng Maynila para lang magpunta sa ahensya,” pahayag ni Marvin.
Sagot sa kanyang ahensya mag-iemail daw sila sa Saudi tungkol sa usaping ito. Hindi lang mapalagay ang pamilya ni Cezel dahil wala naman itong kakilala sa Riyadh.
Hindi rin nito alam ang pasikot-sikot sa lugar at kung sila ang maghahanap dito ay napaka-imposible.
“Wala naman kaming kontak sa Riyadh. Tanging ang ahensya ang pwedeng tumawag sa employer niya. Malaman man lang kung nagtatrabaho ba siya dun o wala na,” salaysay ni Marvin.
Iniisip din nila na wala itong mapupuntahan sa Riyadh dahil wala itong hawak na pera. Buong labing pitong libong piso na sahod ay pinapadala nito sa pamilya.
Wala itong magagamit kahit na pamasahe at pambili ng pagkain kung totoo ngang pagala-gala na lang ito sa Riyadh.
Sinusubukan nilang tawagan ang numero ni Cezel pero hindi na ito makontak.
“Sa pagkakaalam ko kasi nasira ang cellphone niya. Hindi namin alam kung saan kami magsisimula. Sana matulungan ninyo kami dahil alalang-alala na kami sa kanya. Baka kung ano na nangyari sa kapatid ko,” salaysay ni Marvin.
Hiling ng pamilya mapauwi na lang sana si Cezel dito sa Pinas.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi madaling kaso ang usapin tungkol kay Cezel dahil kung totoong nawawala siya sa Riyadh at walang cellphone na hawak hindi siya kaagad matatagpuan.
Kapag natagpuan naman siya ng mga Pulis Saudi, hindi naman ganun kasalbahe ang mga ito para hindi ipagbigay alam sa ating embahada.
Titignan din nila naman kung meron nagrereklamong Arabo tungkol sa ‘runaway maid’ at kung totoo ngang wala sa sarili itong si Cezel, ilalagay siya sa isang ospital for Mental Health.
Anupaman. nakipag-usap kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis para malaman kung anong mabuting hakbang ang nararapat gawin dahil nasa Riyadh itong si Cezel.
Makikipag-ugnayan din kami sa embahada natin sa Riyadh sa pangunguna ni Consul General Ezzedin Tago.
Kung sakaling nasa employer pa siya mas madaling matitingnan ang kanyang kalagayan kung siya ba’y nawala sa pag-iisip.
Ang talagang unang makakapagkumpirma nito ay ang ahensya dahil sila ay konektado sa kanilang counterpart agency sa Riyadh at may numero rin sila ng employer.
Sa ganitong mga kaso hindi na dapat sila mag-aksaya ng panahon kung ano ang gagawin. Tawagan nila ang ahensya na nagpa-alis sa kanya at sila naman ang mgtatanong kung ano nangyari kay Cezel.
Ang impormasyon na aming makakalap ay ipagbibigay-alam namin sa inyo kaagad.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.