PATULOY ang pagbigay suporta sa France mula sa maraming bansa, at patuloy pa rin ang pagkondena sa isinagawang terorismo sa Paris, lalo na sa social media. Nangako ang France na pagbabayaran ang mga nasa likod ng karahasan. Marami na rin ang nananawagan ng digmaan laban sa ISIS, ang grupong umangkin sa pag-atake sa iba’t ibang lugar sa Paris noong Sabado. At ang tila sinasabihan ay ang Amerika. Marami ang nagsasabi na mas marami pang magagawa ang Amerika laban sa ISIS, partikular sa paggamit ng kanilang mga modernong sandata at tekonolohiya. Pero parang ayaw masangkot sa mas malaking operasyon ang Amerika.
Pero ganito nga ang ISIS ngayon. Mas marahas, mas maraming target at mas may koordinasyon. Mga katangian na makakamit lamang sa pagsasanay at pera mula sa mga taga-suporta. Ito rin ang dapat madiskubre ng mga otoridad. Saan galing ang pondo ng ISIS para magsigawa ng mga ganitong klaseng pag-atake?
Isang tanong na lumulutang ay kung paano nakapasok ang mga terorista sa concert hall nang hindi nakitang armado at balot ng bomba ang katawan, lalo na’t noong Enero lamang ay naging biktima na ang Paris sa terorismo? May nagpapasok ba? O mahina lang ang seguridad noong araw na iyon?
Nagsimula na ang malawakang imbestigasyon, na tumatawid na rin ng ibang bansa. Sa Belgium, may mga arestadong taong hinihinalang may kaugnayan sa mga terorista. May mga passport na nakita sa mga pinangyarihan ng karahasan, pero hindi pa matiyak kung mga tunay na passport ito o sadyang nililito ang mga otoridad.
Dapat magdeklara na ng digmaan laban sa ISIS. Kung kaya na nilang gawin ang ganitong pag-atake sa isang pangunahing siyudad, kaya na nilang gawin ito kahit saan sa mundo. Dapat durugin ang mga terorista, putulin ang pagpasok ng pera sa kanila at hanapin ang mga kasangkot. May ilang testigo na nagpahayag na narinig nilang nagsalita ng Pranses ang isang terorista, kaya ang posibilidad na taga-Paris pa ang isa sa mga terorista ay hindi na malayong isipin.