MARAMING naapektuhan ng isinasagawang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Unang umaray ay ang mga empleado at karaniwang manggagawa na simula pa noong Lunes ng umaga naglalakad na may dalawa hanggang tatlong kilometro para makapasok sa trabaho. Isinara noong Lunes ang kahabaan ng Roxas Blvd, kaya apektado ang mga nanggaling sa Cavite via Coastal Road at Macapagal Blvd. Hindi na gumalaw ang trapiko kaya napilitang maglakad ang mga pasahero. Mayroon pang napaanak habang nasa trapik at merong ginang na humihingal dahil karga-karga ang kanyang anak. Hindi raw kasi niya alam na magkakatrapik nang grabe kaya dinala ang anak. Merong mga empleado na hindi na nakapasok noong Lunes dahil masyado nang late kaya umuwi na lamang.
Kahapon ay naulit muli ang trapik sa Coastal Road. At mas matindi dahil mas marami ang isinarang mga kalye. Maraming naglakad habang matindi ang sikat ng araw. May nagsabi na dapat daw ba nilang danasin ang ganitong sitwasyon na naglalakad sa ilalim ng nagbabagang araw? Hindi raw ba na-imagine ng Malacañang na ganito kabigat at kalawak ang mangyayaring trapik gayung may iba namang paraan para maiwasan? Maaari raw namang ginawa sa ibang lugar ang APEC para hindi naapektuhan ang buong Metro Manila.
Bukod sa mga karaniwang manggagawa at empleyado na naapektuhan ng APEC, apektado rin ang maraming flights. Kanselado ang international at domestic flights sa loob ng tatlong araw. Bakit hindi raw ginamit ang airport sa Clark para hindi naapektuhan ang mga flight?
Pero sabi ng Malacañang, tiis-tiis muna sa ilang araw na APEC summit. Humihingi sila ng pang-unawa. Malaki naman umano ang pakinabang sa APEC summit. Hindi lamang umano ekonomiya at investment ang pag-uusapan dito kundi marami pa na mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.
Ano pa nga ba ang magagawa kundi tanggapin ang nangyayaring ito. Wala namang magagawa ang karaniwang manggagawa kahit sa palagay nila, mali ang plano sa summit. Ang tanging hiling, sana may makamtan ang mga labis na-APEC-tuhan sa summit na ito. Kung wala, e di Wow!