KAHAPON, maraming empleado at manggagawa ang nalipasan ng gutom dahil sa sobrang trapik sa Roxas Boulevard at EDSA. Ang Coastal Road ay nagmistulang parking area dahil hindi na umusad ang mga sasakyan pagsapit sa Ninoy Aquino Avenue, Tambo, Parañaque City kaya naglakad ang mga tao ng dalawang kilometro upang marating ang EDSA. Ang masakit maging ang paglalakad sa service road sa Roxas Blvd. ay limitado dahil sinisita ng mga pulis at sundalo. Bahagi lang umano ng security preparation ang pinairal ng PNP at AFP mga suki. Kaya ang sinisisi ng commuters at motorists ay sina Pres. Noynoy Aquino, Usec. Jose Rene Almendras, HPG chief Arnold Gunnacao at MMDA chairman Emerson Carlos dahil hindi ideneklarang holiday ang Lunes at Martes para sa mga taga-Cavite, Parañaque at Las Piñas. May katwiran ang aking mga kausap dahil ang Roxas Boulevard, Quirino Avenue at Ninoy Aquino Avenue lamang ang tanging daraanan upang makalabas patungong Maynila, Pasay at Makati City. Kaya nang isara ito kamakalawa marami ang hindi nakapasok sa trabaho, at wala silang sasahurin. Get n’yo mga Sir!
Naging tampulan lamang ito ng usap-usapan dahil bukas pa dadagsa ang world leaders at economic ministers para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Hindi naman naging isyu itong super higpit na ipinaiiral ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines dahil mas kailangan nating pangalagaan ang seguridad ng mga bisita matapos ang insidente ng terrorist attack sa France. At dahil nga tayo ang host country sa APEC summit kailangan din na suportahan ng sambayanan ang napakahalagang pagpupulong ng may 22 lider ng daigdig upang mapaunlad ang relasyon sa negosyo at seguridad. Ngunit kung pinalawak lamang ni P-Noy ang pagsaliksik ng proyekto ng DPWH matutuklasan niyang ang nakatenggang C-5 Extension project ni dating senator Manny Villar ay napakahalaga sa mga taga Cavite, Parañaque at Las Piñas City. Ito kasi ang makakabawas ng trapik sa Coastal Road, Quirino Avenue at Ninoy Aquino Avenue dahil ang tumbok nito ay West Service Road ng South Superhighway. Kaya ang panawagan ng aking mga kausap kay P-Noy, paimbestigahan ang C-5 project kung bakit natigil ang construction. Sinu-sino ang nakinabang sa pondo? Kung patuloy na matitingga ang proyekto ng C-5 hindi malulutas ang trapik sa Coastal Road, Quirino at Ninoy Aquino Avenues. Bakit kaya tahimik si DPWH Sec. Singson? Abangan!