SA pamamagitan ng mga kuha ng CCTV sa gusali ng Senado, muling napatunayan sa korte na nagsisinungaling si Ruby Tuason sa kanyang testimonya sa PDAF scam. Sa naging pagdinig ng Sandiganbayan Fifth Division noong nakaraang linggo, iprinisinta ng mga abogado ni Sen. Jinggoy Estrada ang report ng Office of Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado at ang mga kuha ng CCTV sa mga naging pagpunta ni Ruby Tuason sa Senado noong 2008.
Nabatid sa isinagawang review ng OSAA ng mga CCTV footages sa taong 2008 gamit ang mga kamera na nakakalat sa main lobby, sa mga hallway at sa mga elevators, na may 12 beses na pumunta si Tuason sa Senado. Hindi lamang sa tanggapan ni Jinggoy sa 6th floor ito pumunta, kundi pati na rin sa 5th floor kung nasaan ang opisina ng mga senador.
Nauna nang sinabi ni Tuason sa naging testimonya nito na diumano ay nagbibigay siya ng pera na nakalagay sa duffle bag at paper bag. Dinadala niya raw ito sa Senado at binibigay kay Jinggoy. Hindi niya umano matandaan ang eksaktong petsa at araw kung kailan, ngunit ito raw ay noong 2008. Ngunit malinaw na pinapabulaanan ito ng CCTV footages at kitang-kita na walang anumang bitbit si Tuason na duffle bag o paper bag, gaya ng sinasabi nito. Nauna nang sinabi ni Jinggoy na tanging trays ng sandwiches at meryenda ang dinadala ni Tuason para sa kanya, at hindi kailanman ito nagbigay ng pera.
Hindi makakapagsinungaling ang mga kuha ng kamera. Kung mayroon mang dapat paniwalaan sa pagitan ng salita ni Tuason at ang video ng CCTV, ito ay ang CCTV, lalo pa’t malinaw na nag-iimbento si Tuason ng istorya para lamang maisalba ang sarili nito sa naghihintay na habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa kinakaharap na plunder case kaugnay ng Malampaya Fund scam.
Mismong si Jinggoy pa ang humiling sa Senado sa pamamagitan ng isang manifestation sa plenaryo noong isang taon na silipin at busisiin ang CCTV footages upang malinis niya ang pangalan at magkaalaman kung sino sa kanila ni Tuason ang nagsasabi ng katotohanan. Ang katotohanan ay hindi maikukubli at darating ang panahon na ito ay malalaman ng lahat. Walang kasinungalingan ang naitatago kailanman.