Naiibang magsasaka

Sa hirap ng buhay sa trabaho’y sabwatan

may nasa sa labas iba’y nasa loob naman?

Aalis at darating sa ‘ting paliparan -

malaking abala ang nararanasan!

 

Maysakit at wala ngayo’y napipigil

sa tanim na bala ng mga taksil;

ang bala ay patagong itinatanim

at ito ay huli kapag ineksamin!

 

Pasaherong nahulihan ng bala

hinihingan ng padulas pagdaka;

kung di-makabigay detenido siya

di-makabibiyahe at ikukulong pa!

 

Dahil nagtatanim sila’y magsasaka

hindi sa bukirin kundi sa NAIA;

ito ay malaking kahihiyan ng bansa

sa lahat ng Pinoy ito ay tumama!

 

Bakit ito’y nagaganap sa Philippines

gayong tayong Pinoy may malinis na damdamin?

at marahil mga leaders dapat na sisihin

at empleyado’y dapat na suriin!

 

Dagdagan ng sweldo ang airport employees

at kamay na bakal ipatupad lagi;

kahihiyan natin ay baka mabawi

saka sa eleks’yon ibagsak ang mali!

 

Ang NAIA matagal nang tampulan ng puna

kayarian nito ay kasumpa-sumpa;

dapat noon pa man ito ay marangya

dahil ngalan nito kay Ninoy nagmula!

 

Naiibang magsasaka ngayo’y nagtatanim

sa kanilang asal ay dapat walisin;

mga lider nila ay isama na rin

hindi bala gulay-gulay dapat anihin.

Show comments