Di-kilalang bida ng rebolusyon
MARAMING bayani sa ating bansa ang hindi natin kilala. Isa na sa kanila si Gliceria Marella-Villavicencio.
Kahit na isa siyang ilustrado, o mayamang Pilipino na may halong Kastila ang dugo, ang puso naman niya ay tunay na Pilipino. Hindi siya nagdalawang isip na tumulong sa mga rebolusyonaryo laban sa mga Kastila. Kasama ang asawang si Eulalio, namigay sila ng mga polyeto at mga kopya ng dyaryong La Solidaridad, ang diyaryo ng rebolusyon na pinatnugutan ni Marcelo H. del Pilar. Kabilang sina Jose Rizal at Antonio Luna sa mga nagsulat sa matapang na diyaryong ito.
Nagbigay rin ang mag-asawang Villavicencio ng donasyong 18 piso para kay Dr. Jose Rizal noong 1892. Para naman ito sa propaganda movement laban sa mga Kastila.
Dahil dito, sinuyod ng guardia civil ang kanilang bahay at ikinulong si Eulalio sa kasong sedisyon. Gusto ng mga Kastilang kumanta sa Gliceria ng mga nalalaman niya sa Katipunan – kapalit ang kalayaan ng asawa.
Pero hindi niya ito ginawa. Ang sabi niya: “Kahit mahal ko ang aking asawa’y hindi ko ipagkakanulo ang rebolusyon. Kabaliwang dalhin ang kanyang pangalan kung mapalaya man siya ay nagtraydor naman ako sa kanyang ipinaglaban.”
Matapos mamatay ang may-sakit na asawa, itinuloy ni Gliceria ang pagtulong sa mga rebolusyonaryo. Ibinigay pa nga niya sa mga ito ang kanyang bahay para magamit ng mga ito. Ang kanya namang barkong Bulusan ay ibinigay niya kay Heneral Emilio Aguinaldo, para sa ating Philippine Army.
Ang Bulusan ang naging unang barkong pandigmaan ng ating rebolusyon. Dahil sa magiting niyang pagtulong sa ating rebolusyon, tinawag siyang Madrina General de las Fuerzas Revolucionaries, o “Matriarch General of the Revolutionary Forces.”
Isa si Gliceria Marella-Villavicencio sa mga “Ina ng Rebolusyon.” Ginamit niya ang kanyang kayamanan hindi para lalo pang yumaman. Ginamit niya ito para pondohan ang rebolusyon na magpapalaya sa bayan.
Para sa komento: [email protected]
- Latest