‘Palamuti sa puwesto’

MARAMI sa mga nakaupo sa gobyerno, palamuti lang sa puwesto.

Naturingang pinuno pero figure head lang. ‘Alang silbi. Inutil­. Wala sa puso ang trabaho. Sa madaling sabi, flower vase.

Kaya lang nasa puwesto dahil in-appoint ng kanilang mga patron. Kahit walang dunong, kakayahan at karanasan binigyan ng accommodation para bantayan ang isang ahensiya o departamento.

Hindi kailanman itinuturing na propesyon ang serbisyo-publiko. Bagkus estilong pamumuhay ng kapalpakan, kaburaraan at kapabayaan. 

Dahil wala sa puso ang kanilang trabaho, kuwestyunable ang integridad. Hindi alam kung dapat pagtiwalaan. Hindi alam kung dapat i-respeto at igalang. 

Inaakalang ang pagiging pinuno nila, isa nang karapatan at prebilehiyo na mang-abuso at maging burara sa anuman nilang maisipan.

Tulad nang mga personalidad na dapat mangasiwa sa hindi pa rin mamatay-matay na isyu ng ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Simula kay Transportation Sec. Joseph Abaya hanggang sa kanyang mga “chuwariwariwap” na sina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado, PNP Aviation Security Group Chief Pablo Francisco Balagtas kasama na ang tagapagsalita ng Palasyo na si Sec. Edwin Lacierda.

Manhid, makasarili at makakapal ang mukha. Walang pakialam sa malaking kahiyaang naidulot ng “tanim-bala” sa buong bansa. Sa halip na ayusin ang problema, nagtatakipan.

Pilit nang pinagre-resign ng taumbayan pero talagang nakikipaglaban ng patayan manatili lang sa puwesto. Hindi naman nilalahat pero ganito ang problema kapag ang isang pinuno, appointed  lang.

Ayaw umamin ng pagkakamali. Ayaw umako ng responsibilidad. Hindi nauunawaan ang ibig sabihin ng accountability o pananagutan. Kapag nasalang na sa kontrobersiya ang laging depensa, wala silang ginawang mali at masama. Puro tama.   

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga­ sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital­ streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

 

Show comments