IPAGKAKATIWALA mo ba ang sarili mo sa isang serbisyong palpak, hindi de-kalidad at walang karanasan dahil lamang mas mura?
Parang ‘yung nangyayari ngayon sa Metro Rail Transit 3 (MRT) kaya pupugak-pugak sa ilalim ng pangangasiwa ni Transportation Secretary Joseph Abaya.
Nagkakawindang-windang dahil ang kinuha ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na kontratista, pipitsugin.
Pipitsugin na nga wala pang karanasan o track record sa larangan ng pagmi-mentina sa mga tren.
Kaya ang resulta, kalbaryo. Pobreng mananakay ang napiperwisyo. Miserable ang buhay araw-araw dahil sa kapalpakan ng mga nakaupo.
Palibhasa kasi mga walang integridad sa kanilang trabaho, inilagay lang dahil kapartido kaya ang kinukuhang mga kontratista tulad din nilang walang integridad at walang iniingatang pangalan.
Wala sa kanilang bokabularyo na ang pagbibigay-serbisyo, nangangahulugan ng tiwala at respeto. Kung sa ingles pa, public service is a public trust.
Maliban dito, sangkaterba nang makakapal ang mukha, makasarili, manhid, wala pang pakialam. Kahit na nagkakaletse-letse na ang kanilang mga sinasabi at pinaggagawa talagang kapit-tuko pa rin sa pwesto.
Halatang ang kanilang pinagsisilbihan hindi si Juan at Juana Dela Cruz kundi ang kanilang patron na naglagay sa kanila sa puwesto.
Sa isinagawang Senate hearing noong Lunes, ginisa at nabuking si Abaya. Kaya raw hindi nila kinuha ang serbisyo ng Sumitomo dahil mas mura ang alok na kontrata ng PH Trans & CB&T.
Dagdag pa niya, mas makakatipid daw ang gobyerno kaya pinaboran ang nasabing kontratistang walang sapat na kapital sa proyekto at wala pang karanasan.
Sa malisyosong pag-iisip, dalawang bagay lang kung bakit isinakripisyo at pinili ang mumurahing kontratang alok ng PH Trans & CB&T.
Maaaring mayroong kaanak na bumubulong sa kontrata kaya pinaboran o ‘di naman kaya dahil sa kalansing at kulay ng pera.
Kayo na ang bahalang bumalanse.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.