“Singsing pang libing”

BALOT NG YELO ANG KATAWAN, nangingitim na mukha, maraming gasgas at ang bandang noo naman ay lubog.

Ganito ang itsura ng anak ni Efren Hendeve na si Joseph nang bumalik ng bansa.

“Natapos na din ang matagal naming paghihintay. Limang buwan ang nagdaan bago pa namin siya nakapiling kahit ganyan na ang kalagayan niya,” ayon kay Efren.

Una naming naitampok sa aming pitak ang kwento ni Joseph na pinamagatan naming ‘Singsing na nawalan ng kapares’.

Sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia nagtrabaho si Joseph bilang ‘Surveyor’. Ang ahensiyang SAF International Services Inc. ang naghanap ng mapapasukang employer.

Summit Engineering Consultant ang kompanyang pinagli­lingkuran niya. Ang kasunduan taon-taon pwede siyang umuwi ng bansa. Nang mag-iisang taon na siya sa pagatatrabaho pinakiusapan siya na ipagpaliban muna ang pagbalik ng bansa dahil may umuwi siyang kasamahan.

“May ka-live in siya dito at may anak na sila. Ipinadala niya na ang wedding ring na nabili at pinlano na ang dapat magiging kasal nung Setyembre,” ayon kay Efren.

Pitong buwan pa lang ang anak dun nang magulantang sila sa ba­litang naaksidente ito habang bumabyahe. Kasamahan lang nito ang nagbalita at hindi naman kompleto ang impormasyong natanggap.

Ika-siyam ng Hunyo 2015 nang nagmamaneho papuntang Tabuk si Joseph nang sumabog ang gulong nito sa harapan. Da­lawa silang nakasakay sa kotse pero si Joseph daw ang napuruhan.

Nadala pa sa ospital pero naideklarang ‘Dead on arrival’ ng doktor.

“Wala kaming alam kung ano ba talaga ang nangyari nun kaya sa ahensiya kami tumakbo. Tutal naman sila ang nagpaalis siguradong alam nila ang naging aksidente,” pahayag ni Efren.

Naghintay ng aksyon sina Efren pero parang inutil ang ahensya na wala man lang sinimulang hakbang para malaman ang ilang detalye tungkol sa aksidente. Dito sumama ang loob ng pamilya sa ahensya.

Para mas mapadali ang proseso nagsadya sila sa opisina ng SAF International. Sa halip na tawagan ang ‘counterpart agency’ o employer ni Joseph ipinasa lang sila sa Insurance Agency.

“Dun daw kami dapat lumapit dahil sila ang bahala kapag may nangyaring masama sa mga pinaalis nila,” wika ni Efren.

Litong-lito sina Efren dahil hindi naman benepisyo ang kanilang hinahabol kundi maging malinaw lang kung sino ang nagkaroon ng kapabayaan, ano ang resulta sa autopsy nito at kung paano nila makukuha ang katawan ng anak.

Sila na mismo ang nagkusang magpunta sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mag-request ng police report at autopsy.

Marami na silang nilapitan pero nanatiling bulag ang pamilya kung kailan nila makikita ang anak kaya nagpasya silang humingi ng tulong sa amin.

Agad kaming nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis at ibinigay namin ang lahat ng detalyeng sinabi ng pamilya.

Mabilis na inaksyonan ni Usec. Seguis ang problema at nakipag-usap siya sa ating embahada sa Riyadh para mas maging detalyado ang usaping ito.

Nagtulungan ang ating Consul General sa Riyadh na si Ezzedin Tago at pati na rin ang ilang tauhan ng embahada para malutas ang problema sa pagpapauwi ng labi ni Joseph.

Sa report ni Vice Consul Alex Estomo ng Jeddah ayon sa report sa OUMWA noong Setyembre 17, 2015 na nung Agosto 23, 2015 ipinaalam sa Department na ang Post ay nakapagpasa na ng No Objection Certificate (NOC) para sa shipment ng katawan ni Joseph kay Faisal Mohammad Masri ng Summit Engineering Consultants.

Hiniling niya rin na ipasa kaagad ang NOC dahil ang Al Ula Police ay hinihingi ang orihinal na kopya ng mga dokumento bago sila mabigyan ng clearance.

Nakausap na din ng Post si Masri at ayon sa kanya ipinoproseso na nila ang mga dokumentong kailangan sa pag-uuwi ng katawan ni Joseph. Nagpadala na rin sila ng tao sa Al Ula Province para ayusin ang mga ito. Nagkaroon lang ng holiday kaya hindi ito nakompleto pero nangako naman sila na sa oras na magbukas ulit ang mga opisina run ay aayusin na nila ang lahat ng kailangan.

Hindi tumigil ang embahada sa pag-asikaso nito hanggang sa makompleto ang mga kailangang papel para mapauwi na si Joseph.

Ika-anim ng Nobyembre 2015 ng umaga tumawag sa ‘min si Efren.

“Maraming salamat po sa lahat ng tulong ninyo. Darating na po ang anak ko ngayong araw. Pupuntahan na namin sa airport,” pahayag ni Efren.

Balot ng yelo ang kanyang anak kaya’t iniwan muna nila ng ilang oras sa punerarya para umimpis ang yelo. Napansin nila ang mga galos at lubog sa noo sanhi ng aksidente.

Kasama na din ng bangkay ang mga dokumento at ‘internal hemorrhage’ ang nakalagay na dahilan ng kanyang pagkamatay.

“Salamat sa inyong lahat. Ngayon mabibigyan na namin ng maayos na libing ang anak ko. Ilang buwan din namin siyang hinintay,” sabi ni Efren.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag sa ibang bansa ka namatay magtatagal bago maiuwi ang bangkay sa Pilipinas dahil inihahanay nila ito bilang isang ‘medico legal case’.

May mga kailangan silang gawing imbestigasyon sa tunay na nangyari.

Nais din naming magpasalamat sa walang sawang pagtulong ng DFA sa pangunguna ni Usec. Rafael Seguis at ng Consul General natin sa Riyadh na si Ezzedin Tago dahil tinutukan nila ang inilapit naming problema hanggang sa maresolba ito.

Mahirap mawalan ng mahal sa buhay pero mas mahirap kung aabutin pa ng Pasko bago makauwi ito mabigyan ng disenteng libing.

Mabuhay kayo dyan sa DFA!!!

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

Show comments