(Kilos-pagong na sistema sa gobyerno)
SA anumang aspeto sa mga ahensya at departamento, mapa-gobyerno man o pribado, mayroong mga itinala-gang protocol at procedures.
Sistemang sadya talagang ginawa upang maging lehitimo, maayos at mapabilis ang proseso ng anumang programa o proyekto.
Ginawa ito para hindi maging labo-labo, kontra-kontra o magdulot ng mga salungatan ang implementasyon para na rin sa ikabubuti ng instistusyon at ng publikong pinagsisilbihan.
Subalit, kadalasan ang mga protokol at pamamaraan, ang siya pa mismong nagiging balakid at sagabal.
Sa halip na masolusyunan ang problema, ito pa ang lalong nagpapagulo at nagbibigay-kalbaryo sa mga konsern na indibidwal at taumbayan.
Tulad nang nangyayari ngayon sa mga ahensya ng pamahalaan partikular ang Department of Transportation and Communications o DOTC ni Sec. Joseph Abaya na saksakan ng isyu ng kurakot at katiwalian.
Matatapos na ang termino ng kaniyang patron na si Pangulong Noy Aquino, marami pa ring mga proyektong nalaanan na ng bilyones na pondo ang naantala.
Sa buong panunungkulan ng kasalukuyang admi-nistrasyon, 59 ang inilatag na big ticket infrastructure projects o mga tulay, daan, airport, seaport kasama na ang mass transport. Subalit sa 59 na ito, 9 pa palang ang naia-award sa mga kontratista.
Sa siyam na proyekto, tatlo pa lang dito ang nasisimulan habang ang anim, may mga gusot pang inaayos sa korte o nireresolba pa lang ang mga isyung legal.
Sa mata kasi ng mga negosyante, hindi naging patas ang isinagawang bidding process at kaduda-duda din ang mga nagpatupad nito.
Ito ang totoong reyalidad na nangyayari sa mga tanggapan ng gobyerno na pilit pinipikitan, binabaliktad at binabago para kumita at makaraket ang mga kurakot at tiwali.
Sinasadya talagang patagalin ang mga proseso gamit ang mismong mga protokol at pamamaraan para protektahan ang kanilang mga interes at partido.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming mag-log on sa bitagtheoriginal.com.