AYON sa isang report, ang air pollution sa Metro Manila ay umabot na sa average na 163-200 micrograms per normal cubic meters. Ito ay 48 per cent na mataas sa above normal standard na 90 micrograms sa bawat normal cubic meters.
Ibig sabihin ang hangin na nalalanghap ay may kasamang mapanganib na substance na nagdudulot ng sakit. Ang usok na ibinubuga ng mga sasakyan (lalo na ang mga kakarag-karag) ay may kasamang carbon monoxide at toxic fumes na nagpapalala sa air toxicity levels sa Metro.
Kamakailan, nagkaroon ng ranking sa 230 siyudad sa buong mundo na gustong tirahan o punta-han ng mga dayuhan. Nasa malayong puwesto ang Pilipinas--- ika-136 na puwesto ang Metro Manila. Hindi nila magugustuhan tumira sa Metro Manila dahil grabeng air pollution.
Pinakamarami ang gustong manirahan sa Vienna, Austria at Singapore. Pinagbasehan sa ranking ang political and social environment, economic environment, socio cultural environment, medical and health considerations, schools and education, public services and transport, recreation, housing and natural environment.
Nasaan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority (MMDA) na dapat ay mangasiwa para mabawasan ang nakalalasong usok na nasa papawirin ng Metro Manila. Nasaan na ang anti-smoke belching campaign ng DENR? Nasaan na ang sinasabi ng LTFRB na ipagbabawal na ang mga sasakyang may edad 15 taon pataas sa pagyaot sa kalsada. Nasaan na rin ang mga traffic enforcers ng MMDA na nangangasiwa sa paghuli sa mga sasakyang nagbubuga ng lason?
Ningas-kugon lamang at hindi na nagkakaroon ng kampanya laban sa mga lumalason sa kapaligiran. Wala na ring silbi ang Clean Air Act of 1999 na nagsasabing ang mga kakarag-karag na sasakyan ay nararapat nang walisin sa kalsada sapagkat ang mga ito ang nagbubuga ng 80 porsiyento ng nakalalasong usok. Pinakaraming kakarag-karag na sasakyan sa EDSA na nagdudulot ng air pollution. Ang pollution ay nagdudulot ng pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.