SIGURADONG simula ngayon ay may nagsidatingan na na mga support staff ng may 21 na Asia-Pacific Economic Conference leaders na dadalo sa summit sa Maynila sa susunod na linggo.
Higit 1,000 yung mga support staff nila na kinabibilangan ng security, protocol at iba pang mga personnel sa advance party ng mga APEC leaders.
At tiyak na sa uwian ng mga dayuhang delegado karamihan sa kanila ay huling aalis pagkatapos ng kani-kanilang mga presidente at prime ministers.
Itong mga support staff ay hindi naman sasakay sa mga private planes ng kanilang mga leaders at karamihan sa kanila ay sasakay ng commercial flights.
In short, dadaan sila sa Ninoy Aquino International Airport terminals, maging 1, 2, 3 or 4.
Gaganapin ang APEC sa Manila habang ang ating pangunahing paliparan ay nasa gitna ng isang kontrobersiya ukol sa ‘laglag o tanim bala’ scam.
Kahit na kalat na sa media hindi lang dito sa ating bansa ngunit maging sa mga international media ang ‘laglag o tanim bala’ scam, patuloy pa rin itong nangyayari at marami pa ring nahuhuli nitong mga nagdaang araw.
May advisory na nga ang United Nations (UN) sa kanilang personnel na darating at paalis ng ating bansa na mag-ingat sila sa NAIA dahil nga sa napakasikat na ngayon na ‘laglag o tanim bala’ scam sa ating pangunahing paliparan.
Ngunit magkaiba ang UN at ang APEC. Hindi naman sa ilalim ng UN ang mechanism ng APEC. Kaya magkahiwalay ang kanilang organisasyon.
At totoong may express lanes para sa APEC summit attendees ngunit paano kung maging sa express lanes na ito at may makakalusot pa ring kaso ng ‘laglag o tanim bala’?
Ang tanong ay may mga airtight measures na ba ang pamahalaan natin bilang host ng APEC leaders summit laban sa sindikatong nagpapairal sa laglag bala scam?
Kung sakaling may makitaan ng bala ang kung sino mang dadalo sa APEC leaders summit na support staff, padadaanin lang ba sila na parang walang nangyari?
Magbulag-bulagan na lang ba ang ating mga NAIA screeners?
Ngunit higit sa lahat dapat ang pamahalaan magkaroon na ng totohanang measures na tigilan ng tuluyan ang laglag o tanim bala na scam na eto.
Kung sa tingin natin nakakahiya kung mabibiktima ang mga APEC support staff mas nakakasuklam na patuloy na mabibiktima ang ating mga kawawang kababayan lalo na ang mga Overseas Filipino Workers sa mga walang kaluluwang sindikato na nasa likod ng ‘laglag o tanim bala’ scam na ito.