Sibakin si Honrado

SIBAKIN na si Manila International Airport Autho­rity­ General Manager Jose Honrado! Ito ang palahaw ni Vice Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos­. Kasi nga hanggang sa ngayon ay hindi pa natutuldukan ang “laglag bala” isyu na kumalat na halos sa buong mundo. Hindi lamang kasi Overseas Filipino Workers ang naglalabas ng kanilang sama ng loob maging pala ang mga dayuhan ay naghuhumiyaw na rin ng kanilang sama ng loob pagdating sa kanilang bansa. At habang kinakanlong ni President Noynoy Aquino si Honrado unti-unti nang naapektuhan ang ating turismo kasi may ilang bansa na ang naglalabas ng mga advertising bilang babala sa kanilang mamamayan  upang maka­iwas sa “laglag bala’’ sa NAIA. Isiniwalat din ni Bongbong na walang kakayahan si Honrado sa MIAA. Wala itong kabihasahan sa paghawak ng ahensiya na ang tanging puhunan lamang ay ang pagiging malapit kay P-Noy.

Mukhang akma sa panlasa ng OFWs ang pag-alma ni Bongbong, di ba mga suki? Kung sabagay bukod sa ‘‘laglag bala’’ naiskandalo na rin ang MIAA employees sa pagbuburiki ng mga bagahe sa NAIA. Maging pala ang paglipana ng mga colorum SUV van sa Terminal 1, 2 and 3 ay pinupukol din kay Honrado. Palaging ka-bonding umano ni Honrado ang mga SUV van ope­rators sa mamahaling restaurants at KTV’s kung kaya namama­yagpag ang pagsundo’t hatid sa mga Koreano  sa NAIA terminals. Ewan ko lang kung hanggang kailan tutul­dukan ni P-Noy ang buwenas ni Honrado sa MIAA kung ang sambayanan at mga turista na mismo ang magsisigawan na palayasin siya sa puwesto.

* * *

Muli na namang nagulantang ang sambayanan nang ilatag ng mga raiding team mula na Philippine Drugs Enforcement Agency at Bureau of Jail Management Penology (BJMP) ang iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril, bala, droga, sex toys  at matatalas na bagay matapos salakayin ang maximum compound kamakailan. Maging ang mga jailer ng Bureau of Correction ay nanlaki ang mga mata sa dami ng mga armas na nahalungkat ng raiding team, he-he-he! Paano kasi nadeskubre ang mga armas na pinalusot ng mga dalaw ng magbulag-bulagan  at mapatumpik-tumpik sila sa kanilang serbisyo. Ang masakit pa nito may lumulutang na alingasngas na mismong mga jailer din ng BuCor ang tulay sa pagpasok ng mga armas at droga, sex toys. May bali-balita rin na ipinatutubos din ng mga tusong jailer ang mga armas na nasamsam sa mga preso. Iyan ang dapat pagtuunan ng pansin ni DOJ secretary Alfredo Benjamin Caguioa sa ngayon dahil kung magpatumpik-tumpik din siya tiyak na lalong lalawak ang operasyon ng droga at patayan sa loob ng New Bilibid Prisons. Di ba mga suki? Panahon na Sec. Caguioa na walisin ang lahat ng mga opisyales at jailer sa NBP. Palitan ng mga bago nang mawala ang koneksiyon ng high profile prisoners. Abangan!

 

Show comments