KUNG tutukoy tayo ng isang ahensya ng pamahalaan na epektibo sa misyon nito, isa na rito ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na dating pinamumunuan ni Liberal Party senatorial candidate Joel Villanueva.
Batid naman natin ang misyon ng TESDA. Nagbibigay ito ng pagsasanay sa mga mamamayan sa iba’t ibang larangan upang maging produktibo at magkaroon ng disenteng hanapbuhay. Sa ilalim ng ibang naging director ng ahensya, walang nakahigit sa achievement ni Joel at iyan ay isang katotohanang hindi mapapasubalian lalu na nung may mga kaanak na matagumpay na nagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa kasanayang natamo sa TESDA.
Hindi kaila sa marami na personal kong kaibigan ang pamilya ng bantog na pastor ng Jesus is Lord Church na si Bro. Eddie Villanueva at si Joel na anak niya ay kilala ko na bago pa maging isang public servant. Kaya I cannot help but have a sense of pride sa ipinakitang kakayahan ni Joel lalu pa’t ngayo’y tumatakbo siya para sa isang mas mataas na posisyon na pagka-senador. Sa pagbalangkas ng batas ay hindi na rin bago si Joel dahil naging miyembro na rin ng House of Representatives bilang representante ng CIBAC partylist.
Nakatutuwa dahil ang agenda niya kapag pinalad na matalaga sa Senado ay may acronym din na TESDA: Trabaho Edukasyon; Serbisyo, Dignidad; at Asenso.Walang pasubaling kayang-kaya niyang isulong ang mga adhikaing ito dahil nagawa na niya ito sa TESDA.
Sa limang taon ni Joel sa TESDA, nagkaroon ito ng tinatayang 10 million enrollees. Sa bilang na ito ay sampung milyon ang nakapagtapos sa kanilang kurso base sa datos mula January 2010 hanggang September 2015. Marami sa mga graduates ay nagtatrabaho na sa ibayong dagat at sabi nga ni Presidente Noynoy “mas malaki pa ang suweldo niyo sa akin.”
Iyan naman ang kailangan natin para umunlad ang bansa: Mga mamamayan na edukado at may kakayahang maging produktibo di lamang para sa sarili.