MATINDI ang stress ang naidudulot kapag ikaw ay maakusahan ng hindi totoo. Dahil sa stress at puwede kang hindi makatulog, o magkaroon ng high blood at atake sa puso.
Heto ang aking payo:
1. Lakasan ang iyong loob. Maging handa na ipaglalaban mo na ikaw ay inosente. Huwag magpapatalo sa nang-aapi sa iyo.
2. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Mahalin at alagaan mo ang iyong sarili.
3. Pagdating pa lang sa airport, kunin ang pangalan (o kunan ng picture) ang lahat ng taong humawak sa bagahe mo. Ang modus nila ay ang pag-ipit ng bala sa gitna ng kanilang daliri para isingit sa iyong bag o handbag.
4. Para sa iyong luggage bag at handbag, isara at i-lock ang lahat ng bulsa para hindi masingitan ng bala.
5. Maging alerto at magmasid sa iyong paligid.
6. Maging handa kung sakali may mangyari. Sanayin mo na ang iyong isipan. Ilista na ang tatawagang abogado, media, at mataas na opisyal na kilala mo. Ihanda mo na ang mga cellphone numbers nila.
7. Kapag ikaw ay nabiktima at wala kang kakilala, i-post mo sa iyong Facebook account na “Nabiktima ako ng Tanim Bala. Please help.” Mabilis itong ma-ishare ng iba at baka matulungan ka.
8. Huwag magtiwala sa mga opisyal na humuli sa iyo o kakausap sa iyo. Hindi mo sila kakampi. Mag-ingat ka sa iyong salita at baka baliktarin pa ang sasabihin mo. Hintayin ang iyong abogado o kamag-anak.
9. Huwag magbigay ng kahit anong pera o lagay sa mga opisyal. Huwag hawakan ang bala. Huwag pumirma ng kahit anong papeles na nagsasabi na ikaw ay may kasalanan. Ginagamit nila ang pananakot at pagka-taranta mo para makakuha ng pera.
10. Kakampi mo ang media. Kung may media, pumayag na magpa-interview sa media. Ipakiusap mo na i-labo (blur) ang iyong mukha kung takot kang makita ng iba.
11. Heto ang panlaban mo: Dalawa ang kinakatakutan ng masasamang loob: Matanggal sila sa trabaho at ma-ilantad ang masamang gawain nila sa media. Kaya maging kalmado lang. Kunin ang lahat ng ebidensya na mayroon ka sa kanila. Ang cellphone mo ang iyong kakampi sa pagkuha ng picture, pag-text at pag-post sa social media. Gamitin mo ang iyong utak. Kakampi mo ang Diyos at sambayanan (public opinion).
12. Kung ikaw ay naging biktima, kailangan mong magpatingin sa isang doktor. Kumausap ng pamilya, counselor o psychologist para mailabas mo ang iyong sama ng loob.
13. Para sa stress, kumain ng saging dahil nakaka-relax ito at nagbibigay ng lakas. Uminom din ng sapat na tubig para makaisip ng maayos. Huminga ng malalim at mabagal para malabanan ang nerbyos.
14. Mag-dasal sa Diyos at asahan na darating ang tulong. Tulungan mo ang iyong sarili at tutulungan ka ng Diyos.