So kapal pa more
HINDI kaya nakadarama ng kahihiyan si MIAA general manager Jose Angel Honrado na tinawag ang kanyang paliparan na “Tanim-Bala Airport?”
Dahil noong tawaging “Worst Airport in the World” ang Ninoy Aquino International Airport ay dedma lang siya, ngayon pa kaya na very mild ang tawaging “Tanim-Bala Airport” kaysa nakahihiya at nakaiinsultong “Worst Airport in the World?”
Hanggang ngayon ay dedma pa rin si Honrado sa lahat ng batikos sa kanyang mga kapalpakan. Kung may kahihiyan ang taong ito noon pa siya nag-resign.
Mantakin n’yo bayan, sa kasaysayan ng aviation sa buong mundo, ngayon lamang yata nagkaroon ng ganito kadalas na kaso, na kung saan ay mayroon ng mahigit 100 ang nakitang bala ng baril sa bagahe ng mga pasahero.
Kitang-kita na talagang itinanim ang mga bala ng airport corrupt personnel sa mga pasahero para makapag-extort dahil pati mga babaing pasahero ay hindi nila pinatawad.
Common sense lang na bihirang babae ang mahilig mangolekta lalo na ang bala na sigurado akong wala silang interest.
Araw-araw inuupakan ng lahat ng sektor ng lipunan ang airport authorities ngunit wala man lamang paliwanag si Honrado sa kanilang kapalpakan. Ito ay maliwanag na tanda ng pagkaarogante dahil alam niyang nakakapit siya sa pader kay Aquino.
Ni hindi siya nagkusa na magsagawa ng imbestigasyon. Ang ibig sabihin, kinukunsinti niya ang kalokohan ng kanyang nasasakupan.
At kung talagang seryoso si Aquino na matigil ang tanim-bala raket ng mga buwitre sa airport dapat magsagawa ng malawakang reorganization.
Pagpapalitan niya ang mga walang silbing tauhan sa Manila International Airport Administration sa pangunguna ni Honrado.
Dapat ding sibakin at palitan ng bago ang mga nakatalaga sa Office for Transportation Security (OTS) at Philippine National Police-Aviation Security Office.
Kailan kaya talaban ng kahihiyan si Honrado samantalang sa “Manila Times” column ni Bobbi Tiglao ay tinawag niya sina Honrado at sinibak na PNP chief Alan Purisima na “Aquino’s buddies, the worst officials.”
Talaga naman. So kapal pa more.
- Latest