ANG pagbibigay ng proteksyon sa buhay ng isang high profile inmate na inaakusahang malaki ang atraso sa maraming niloko ay mahalaga. Kung napatay ang inmate na iyan, paano na ang hinahabol na hustisya?
Alam ng lahat na sa Pampanga provincial jail nakapiit ang real estate broker na si Delfin Lee pero ang gusto ng executive judge ng RTC third judicial region sa San Fernando City ay ilipat siya sa pasilidad ng BJMP sa Bgy. Telabastagan. High profile inmate si Lee at sa dami ng mga sinasabing nadenggoy niya dahil sa umano’y pagbebenta ng mga bahay at lupang nakapangalan din sa iba, hindi malayong mangyari ang kinatatakutan niya. Pero kung mangyari ang ganyan ay hindi pa rin matatamo ang tunay na hustisya matangi sa “personal vendetta” ng mga taong umano’y inatraso niya.
At kung may kinalaman talaga si Lee sa scam, paano na yung mga iba pang dapat managot lalu na yung mga kakutsaba sa gobyerno kung mayayari siya nang wala sa oras?
Sa sulat ni Executive Judge Divina Luz P. Aquino-Simbulan kay Judge Maria Amifaith S. Fider-Reyes na presiding judge ng RTC Branch 42 na dumidinig sa kaso ni Lee – ipinapayo niya na magpalabas ng court order para mailipat si Lee sa naturang kulungan. Ang katuwiran ng Hukom, nakakita raw siya sa provincial jail ng benchpress at dalawang dumbbell na tinawag niyang maliit na gym.
Hindi naman marahil matatawag na privileged treatment ito para kay Lee dahil pag-aari pala ang equipment na ito ng bilangguan na puwedeng gamitin din ng ibang bilanggo. Maraming security reasons din ang dahilan ni Simbulan kung bakit hinihiling niya ang paglilipat kay Lee sa BJMP facility. Ang pinakaimportanteng ikonsidera ngayon ay ang pangangalaga sa seguridad ni Lee para mapanagot sa batas, hindi lamang siya (kung nagkasala) kundi pati na ibang mga tao kasabwat niya lalu na yung mga nasa pamahalaan na nagpaubaya ng mga behest loans gamit ang pera ng mga lehitimong miyembro sa pakinabang ng mga hindi talaga miyembro.
Ayon sa abogado ni Lee na si Atty. Romy Garay, bakit biglang-biglang naging mapagmalasakit si Judge Simbulan sa seguridad ni Lee gayung sa simula ng kasong ito ay walang ipinakitang hangarin para sa kaligtasan ng kanyang kliyente. Ani Atty. Garay “Simbulan has already coordinated with the transfer of the accused without waiting for the court’s action” sa kabila ng bilin ng batas na sa Omnibus Motion, “no person under detention shall be transferred except upon lawful order of the court.”