SAF-44: Huling texts bago sila minasaker

GUNITAIN natin ngayong Araw ng mga Patay ang SAF-44, at ipagdasal na sumalangit ang kanilang mga kaluluwa.

Ano kaya ang mga huling sinaisip ng SAF-44 mga dakilang commandos ng PNP-Special Action Force, bago sila kitilan ng buhay ng mga berdugong MILF at BIFF sa Mamasapano, Maguindanao, nu’ng Enero 25, 2015?

Viral sa Internet ang artikulo ng kickerdaily.com, online version ng Kicker Daily News na nagkakalap ng mga balitang Pilipinas. Pinagbatayan ng artikulo ang mga huling cell phone text messages ng SAF-44. Kinalap umano ito ni Sen. Ralph Recto mula sa sworn statements ng mga kamag-anak. Karamihan umano ng texts ay paghingi ng tulong, at mga desperadong pakiusap na tawagan ang kanilang mga pinuno para iligtas sila. Ang ilan naman ay humingi ng credit loads para patuloy silang makapag-call at -text habang nakikipagbakbakan sa mga pumaligid na kaaway. At ang isa ay nagdasal ng rosaryo kasabay ng nanay na nasa kabilang linya.

Nakakaantig-damdamin ang salaysay ni Police Officer-2 Christopher Lalan, kaisa-isang natira sa 35 commandos ng 55th Special Action Company. Mula 6 a.m.-1 p.m. na sila nagbabakbakan. Napaligiran sila ng MILF-BIFF sa maisan, kung saan walang mapagkublihan kundi hinukay na “square-box defense.” Patay nang lahat ng kasamahan nila, pati si hepeng si Sr. Insp. Ryan Pabalinas, sa mortar, .50-caliber Barrett sniper rifles, at automatic fire. Nagpaalam siya sa sugatang buddy PO-2 Romeo Cempron na susubok tumakas. “Umalis ka na,” sabi ni Cempron, “Ako ang bahala rito.” Tumayo si Cempron at nagpaputok sa kalaban, para ma-divert ang atensiyon nila mula sa umaatras na Lalan. Kusa siyang nagbuwis ng buhay. Pinasasabitan ng PNP si Cempron ng posthumous Medal of Valor, pinaka-mataas na gawad sa militar at pulisya, sa kagitingan sa labanan. Pero wala pa ito.

Show comments