KAHAPON, isang kotse ang bumangga sa poste ng kuryente sa Roxas Blvd. Pasay City. Nagpaikut-ikot pa ang kotse bago bumangga. Isa ang patay at sugatan ang mga kasama nito. Napakabilis umano ng takbo ng kotse ayon sa mga nakasaksi. Sa imbestigasyon ng pulisya, lasing ang drayber ng kotse.
Ilang buwan na ang nakararaan, isa ang namatay at 12 iba pa ang nasugatan makaraang masagasaan ng isang Toyota Innova sa Sta. Mesa, Maynila. Ang drayber ay anak ng dating PBA player. Kinasuhan siya ng reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries at damage to properties. Sabi ng pulisya, lasing ang drayber, habang nagmamaneho.
Noong nakaraang linggo lamang, isang kotse na minamaneho ng isang lasing na lalaki sa Muntinlupa City ang bumangga sa isang pampasaherong dyipni. Nahagip ang bumababang babae at nasapol ang mga paa. Naputol ang mga paa ng biktima. Inamin ng driver na lasing siya at nakatulog.
Marami pang aksidente ang nangyari dahil la-sing ang driver. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) karamihan sa mga nangyayaring malalagim na aksidente sa Metro Manila ay dahil sa pagmamaneho ng lasing at paggamit ng bawal na droga.
Nang lagdaan ni President Noynoy Aquino ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013” (Republic Act 10586), maraming natuwa dahil mababawasan na ang aksidente sa kalsada dahil sa mga senglot na drayber. Subalit sa halip na mabawasan ang malalagim na aksidente, tila dumami pa. Nai-patutupad ba ang RA 10586?
Sa ilalim ng batas, ang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at pinagbabawal na droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Kapag may napinsala at namatay, magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 at makukulong.
Kailan magkakaroon ng pangil ang RA 10586? Bakit wala itong silbi? Hindi kaya pinagkakaperahan lamang ang mga lasing ng mga tiwaling traffic enforcer? Sa halip hulihin ang senglot, kinokotongan na lang.
Matagal bago naipasa ang RA 10586. Binusisi at pinagdebatehan ito at saka lamang ipinasa pero hanggang ngayon, walang pakinabang. Ipatupad ito para maproteksiyunan ang publiko at motorista sa kapahamakan.