SA gitna nang sunod-sunod na report ng kaso ng ‘‘tanim-bala’’ o ‘‘laglag-bala’’ sa Ninoy Aquino International Airport, biglang nagkaroon ng insidente rito naman sa Davao International Airport noong Biyernes ng umaga na kung saan nahulihan ng dalawang live ammunition ng 9mm caliber pistol ang isang papaalis na engineer.
Hinuli si Engr. Agusto Dagan ng JV Angeles Construction Corporation ng mga elemento ng Aviation Security Group nang siya ay papaalis lulan sana ng 9:45 am flight ng Cebu Pacific patungong Manila nang napansin ng mga x-ray scanners ang bala sa luggage niya.
Hinintay daw ng mga x-ray scanners kung sino ang kukuha ng nasabing luggage na may bala ngang laman.
At nang ito ay kinuha ng Dagan sa dulo ng xray machine, agad siyang dinampot ng mga airport police. Dinala naman din agad si Dagan sa Sasa Police Station kung saan siya dumaan sa inquest proceedings at nakapagpiyansa ng P120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Mariing itinanggi ni Dagan na kanya ang dalawang bala ng 9mm caliber pistol na nakita sa sidepocket ng kanyang luggage.
Dumating dito si Dagan noong Huwebes at pauwi na nga siya ng Maynila pagkatapos ng kanyang overnight stay na kung saan ginawa niya ang isang ocular inspection sa bulk water project dito ng Davao City Water District.
Ngayon ang tanong ay kung ang kaso ba ni Dagan ay bahagi na rin ba ng sinasabing ‘‘tanim-bala’’ at ‘‘laglag bala’’ na mga insidente sa NAIA?
Posible kayang may mga efforts na rin ngayon na ipapalabas na hindi lang sa NAIA nangyayari ang “tanim-bala’’ ngunit ito ay nagaganap din sa mga paliparan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas?
Kasi nga masyado nang mainit ang NAIA sa mata ng buong mundo dahil nga sa laganap na kaso ng tanim-bala na ang biktima ay mga overseas Filipino workers.
Kaya para hindi na maging sentro ng atensyon ang NAIA, kailangan nang may mga parehong mga pangyayari ring ganun sa ibang airports sa bansa gaya ng Davao International Airport?
Ilan lang ito sa mga tanong na bumabagabag sa kaso ni Dagan.
Ano ba talaga?