Sa dalampasigang maalong dagat
tinanaw kita na isang pangarap;
habang dumarampi ang hanging habagat
parang nadarama ang iyong paglingap!
Sa tinatapakang mataas na talon
tinatanaw mandin ang nangyari noon;
magkaakbay tayong doo’y nanununton
at sa munting lawa’y sabay kung tumalon!
Sa tabi ng batis na tinutunghayan
mga paa nati’y kay limit naghabulan;
at ang halakhak mo kung nagtatampisaw
wari’y mga bulang lumubog lumitaw!
Sa sinasandigang malapad na sanga
pilit binibigkas ang tuwa at saya;
ang mga gunitang doo’y naukit na’y
puso mo’t puso kong ating pinag-isa!
Sa kawayang-tulay na nakapalantok
sa sapa ng nayon at kanugnog pook
doon ay kay dalas nating tinatarok
ang nasa’t damdamin ng kanitang loob!
Sa nilalakarang makitid na landas
na kung nagtatago’y ating binabagtas-
sa lamig ng hangi’y nilalanghap
ang dulot ng iyong dulot na pagliyag!
Sa munting bisitang saksi sa suyuan
at siyang sumaksi sa ating sumpaan-
sa harap ng Diyos na nakabayubay
ikaw na mahal ko’y di na masilayan!
Ikaw na gunita ng isang kahapon
ay lalaging ikaw sa habang panahon;
ang bawat sandaling sa iyo’y naukol
ay babaunin ko sa aking pagyaon!