Hari ng Tondo

NOONG 19th century, si Jose de la Cruz ang Hari ng Tondo. Ang mga lalaking in love ay nagpupunta sa kanya para humingi ng mga tula. At may talent fee, siyempre.

Ang mga batang manunulat ay humingi rin sa kanya ng payo sa pagtula. May bayad din ito, siyempre pa! Ang hindi kayang magbayad ay nagbigay sa kanya ng mga sisiw. Dahil dito, tinawag siyang “Huseng Sisiw.”

Pero ang grand old man ay masungit at kinatatakutan nang marami. At diyan nag-entrance si Francisco Ba­lagtas, isang batang gustong maging makata. Nakasulat na si Balagtas ng mga tula. Ipinamigay niya ito sa mga classmates niya sa Colegio de San Jose. Pero ramdam niya’y kulang pa siya sa hasa. Kailangan niya si Huseng Sisiw.

Kahit walang pera o sisiw ay nagpunta siya sa matanda. Pero inisnab siya nito at pinauwi. Dahil dito, nagsipag­ si Balagtas. Isang araw, sabi niya, malalampasan ko rin si Huseng Sisiw.

Noong 1836, lumipat si Balagtas sa Pandacan. Na in-love siya kay Maria Asuncion Rivera. Karibal niya ang mayamang si Nonong Kapule. Binayaran ni Kapule ang mga tao para mag-imbento ng bintang kay Balagtas. Nakulong si Balagtas.

Nasa preso si Balagtas nang malamang nagpakasal si  Asuncion kay Nonong. Sa sama ng loob, isinulat niya ang Florante at Laura. Nang makalaya, tumira siya sa Tondo. Muli siyang nagsulat. Noong 1840, na-assign siyang clerk of court sa Bataan. Nakilala niya si Juana Tiambeng at sila’y nagpakasal.

Pero may nakaaway si Balagtas at muli siyang nakulong. Naubos ang pera nilang mag-asawa sa korte. Nagsulat siyang muli para makabawi. Nakasulat siya ng 100 tula, dula at mga skits. Bago siya mamatay, sinabihan niya ang asawang pigilan na maging manunulat ang mga anak. Ang utos niya: “Putulin mo ang mga daliri ng sinumang magsulat kahit ng isang tula!”

Pero ang mga tula ni Balagtas, ngayo’y buhay pa rin sa ating mga paaralan.

Para sa mga komento: danton.lodestar@gmail.com

Show comments