1. Maraming klase ng kanser. May kanser na nagagamot pa. May kanser na nako-kontrol. May kanser na mabagal gumalaw o na-re-reverse ang paglaki. Depende sa kanser at kondisyon ng pasyente.
2. Kahit anong stage pa ito, puwede pa rin mapahaba ang buhay.
3. Ang payo ko ay (1) Magpatingin sa doktor; (2) Sundin ang payo ng doktor kung chemotherapy o surgery ang kailangan; (3) Lakasan ang loob at palakasin ang katawan; (4) Huwag muna umasa sa mga alternatibong gamutan dahil mas malaki ang tsansa ng pasyente sa gamutan ng doktor.
4. Kahit sabihing stage 4 pa, iba’t iba pa rin ang kahihinatnan nito. May stage 4 na seryoso at kalat na sa maraming parte ng katawan. Mag stage 4 na kaunti lang ang kalat at mas maganda ang prognosis. Tinawag lang ng ganitong stage dahil sa depinisyon ng staging.
5. Maraming factors ang tumutukoy sa haba ng buhay. Mahalaga ang gamutan ng doktor, suporta sa nutrisyon, suporta ng pamilya, lakas ng loob, determinasyon ng pasyente, positibong pananaw at pagdarasal sa Diyos.
6. Walang makapagsasabi ng haba ng buhay. Walang sinuman ang tiyak sa kanyang kinabukasan. Gumawa lang tayo ng mabuti.
7. Bilang doktor ang tungkulin ko ay magbigay inspirasyon at lakas ng loob sa pasyente. Katuwang ng tamang gamutan, bigyan ng pag-asa at pagmamahal ang pasyente.
Kahit gaano kadilim ang hinaharap natin (sa sakit o sa problema ng bayan) dapat may magtiyaga at lumaban lang.
Tandaan: Walang imposible sa Diyos. Naniniwala ako na bibigyan tayo ng Diyos ng sapat na haba ng buhay para magawa ang ating misyon sa buhay.