Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7104038
GAYA NG PAG-AKYAT sa isang matarik na bundok ang pag-abot sa pangarap mo. May mga taong tutulong sa ‘yo at meron naman mas gustong malaglag ka.
“Sa loob ng isang taon dalawang beses lang siya kung sumahod. Lahat ng ipinangako ng ahensiya wala man lang natupad. Para silang iwas ng iwas kapag humihingi kami ng tulong,” sabi ni Mauricio.
Walang pagkain at walang maayos na pahingahan, ito ang kalagayan ng kapatid ni Mauricio Valladolid sa Riyadh na si Ariel.
Hirap na raw ito sa pagtatrabaho bilang ‘driver’ dahil napakalayo ng mga binabiyahe pero wala namang sapat na pagkaing ibinibigay sa kanila. Gustuhin man nilang bumili disyerto ang lugar na kinaroroonan at wala silang sapat na perang hawak.
Nakapunta ng ibang bansa si Ariel nang may makilala siyang recruiter ng Al Rafedain.
“Kaibigan naming Ilongga yun pero umalis na rin siya sa ahensiya ngayon. Ang pinakakausap ng kuya ko noon ay si Mylene,” wika ni Mauricio.
Dalawa dapat silang aalis ng bansa nun pero nagkaroon ng problema sa NBI Clearance ni Mauricio kaya’t nauna ang kanyang kapatid.
Isang ‘trucking company’ ang napasukan ni Ariel.
Agosto 30, 2015 nang umalis ng bansa si Ariel. Nung simula alam niyang sa Riyadh sila nagpunta. Nagtataka raw ito kung bakit wala man lang mga dokumentong ibinigay sa kanya.
Mula Riyadh ibiniyahe pa raw si Ariel papunta sa isang disyerto at hindi na nito alam kung saang lugar siya napunta.
Ang pangako ng ahensiya na libre ang pagkain at ilang personal na pangangailangan ay hindi natupad. Marami din siyang mga kasamang Pinoy na nandun.
“Wala silang Iqama na hawak, walang lisensiya sa pagmamaneho galing sa Saudi. Passport nga lang ang meron siya. Sa pagkakaalam ko hindi yun nagmedical,” salaysay ni Mauricio.
Ang pangakong sahod sa kanilang 1,000 Riyals at may allowance pang 200 Riyals ay hindi rin nila natikman. Sa loob ng isang taong pagtatrabaho nito dalawang beses lang nakatanggap ng sahod ang kanyang mga kasamahan.
“Nung simula pa nga raw sinabihan na siya ng mga kasamahan na may naloko na naman daw ang kanilang amo. Dito daw yun kumukuha sa Pilipinas ng mga trabahador,” ayon kay Mauricio.
Bugbog sila sa trabaho pero wala namang maayos na pagkain. Hindi pa sila kumikita dahil hindi naman nagbibigay ng sahod ang employer. Nang magkaroon ng pagkakataong makakontak sa mga kamag-anak dito sa Pilipinas humingi ng tulong si Ariel.
“Gusto na raw niyang umuwi. Natatakot siyang mahuli dun at baka mapahamak dahil sa amo niya. Wala siyang dokumentong hawak na magpapatunay na legal siyang trabahador dun,” kwento ni Mauricio.
Maraming Pinoy na din daw ang nandun na nahihirapan at gusto ring umuwi. Sa tantiya ng kanyang kapatid nasa anim na pung katao ito. Nakilala nila sa pangalang Abdullah ang may-ari ng ahensiya.
Para matulungan ang kapatid tumawag sila sa Al Rafedain pero sabi nito wala na daw dun ang nag-recruit kay Ariel. May pagkakataon namang sinasabihan lang sila ng ‘wrong number’ daw.
“Nung magpunta ang pinsan ko dun ganun din ang sinasagot nila. Wala man lang silang aksyon sa problemang inilapit namin,” wika ni Mauricio.
Ang ibang kasama niya tumakas na dahil hindi na makatagal. Ayaw namang magkaroon ng problema ni Ariel sa pag-uwi rito sa Pilipinas kaya’t humihingi siya ng tulong na sana ay mapauwi na lang siya kaysa maghirap dun nang wala namang sapat na sahod na natatanggap.
“Kapag nakakatiyempo siya ng signal sa biyahe dun lang nakakatawag o nakakapagtext. Sa ngayon hindi namin alam kung saan ba kami lalapit. Parang walang pakialam ang ahensiya ng Kuya ko,” ayon kay Mauricio.
Tanong nina Mauricio hindi na ba nila malalapitan ang ahensiya kung sakaling wala na dun ang nag-recruit sa kanyang kapatid? Maging ang kakilala nilang dun nagtatrabaho dati ay umalis na din sa ahensiya.
“Sana po matulungan niyo ang Kuya ko pati na rin ang marami nating kababayan na hindi naman natatanggap ang sahod na dapat sa kanilang pinaghirapan,” ayon kay Mauricio.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagkalat ang mga pekeng ‘recruitment agency’ ngayon sa bansa. Pati mga recruiter ng mga ito nagbabahay bahay pa nga kung minsan makahanap lang ng aplikante. Ang tanong dito ilan lang ba silang maaasahan kapag nasa ibang bansa ka na.
Sa dami ng ganitong uri ng reklamong tinatanggap namin hindi na bago ang ganitong uri ng kwento.
Para malaman ang kalagayan ni Ariel sa Riyadh inilapit namin ang problemang ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis.
Agad siyang nakipag-ugnayan sa ating embahada sa ‘Saudi Arabia’ upang matingnan kung ilang Pinoy pa nga ba ang gustong umuwi dahil sa hindi pagpapasahod ng employer nina Ariel.
Inaabangan naman namin ang sagot ni Ariel kung sinu-sino pa ang kanyang mga kasamahan dun na parehong dumaranas ng hirap tulad niya para maabutan din naman ng tulong.
Nakipag-ugnayan na din kay sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kay Admin. Hans Leo Cacdac upang upang alamin kung ‘accredited’ nga itong recruiter na Al Rafedain. Kung nasa listahan ng POEA ang agency na ito, ang gagawain ni Admin Cacdac ay maipatawag ang ahensiya ito at imbestigahan kung bakit hindi ito umaaksiyon sa problema.
Ang masama nito ay kung hindi. Kailangan magpunta sa National Bureau of Investigation (NBI) o Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para masampahan ng kasong ‘Illegal Recruitment’ ang mga taong nasa likod nito.
Maging maingat tayo at tignan muna sa POEA kung legal nga ang mga taong kinakausap natin bago magpakawala ng isang sentimo.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.