NASA China na ang dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang opisyal ng konsulado ng China sa Cebu. Sinundo sila ng security team na pinadala ng Beijing para sa China na sila kakasuhan at paparusahan. Iyan ang sabi ng China. Nang maganap ang pamamaril sa tatlong opisyal ng konsulado sa isang kainan sa Cebu, kung saan dalawa ang namatay at sugatan ang Consul General na si Song Rong Hua, agad kumilos ang gobyerno ng China at nagdeklara na sila ay saklaw ng “diplomatic immunity”. Ibig sabihin, walang hurisdiksyon ang gobyerno ng Pilipinas sa dalawang suspek, at hindi pwedeng litisin base sa ating mga batas. Parang sinabi na “sandali, amin iyan, kami na bahala diyan”.
Naging isyu nga ang sitwasyong ito, dahil ayon mismo sa Korte Suprema, hindi puwedeng gamitin ang “diplomatic immunity” dahil hindi naman sa opisyal na kapasidad o kilos ang naganap na krimen. Lumalabas na may personal na hidwaan ang mga sangkot sa pamamaril na walang kinalaman sa opisyal na trabaho ng konsulado. Kaya dapat lang na sila ay kasuhan sa Pilipinas at sa Pilipinas ginanap ang krimen. Pero umiral ang pagdemanda ng China sa dalawa, kaya wala na sila sa bansa. Nangako naman na paparusahan sila sa China. Kapag nahatulang may sala, kamatayan ang parusa para sa krimeng ito.
Kung ganito na nga ang kalakaran sa mga sitwasyon tulad nito, kahit ano pala ay pwedeng gawin ng mga taga-konsulado ng China sa bansa, at wala tayong kapangyarihan na parusahan sila. Paano pala kung Pilipino ang napatay nila? Paano kung nagkasagutan din sa isang kainan, naglabas ng baril ang taga-konsulado at pinatay ang Pilipino? Ganun din ba ang magiging katapusan, susunduin na lang ng Beijing? Kahit sino pala ay pwede nilang patayin at maghihintay na lang ng sundo mula Beijing? Parang may mali yata diyan. Masyado naman yatang agrabyado ang bansa sa kasunduang ito at kahit sino ang maaaring malagay sa peligro. Kailangan yatang pag-aralan muli ang kasunduan, partikular kung Pilipino ang maging biktima. Hindi naman yata pwedeng hindi makasuhan dito kung mamamayan ng bansa ang napatay. Kung malinaw na kaya nilang makakuha ng baril kahit walang lisensiya at magamit pa, parang pag-aabuso na ng mga pribilehiyo iyan.