Magkapareho
NAKATATAWA ang sinapit ng mag-asawang pulitiko sa Pasay City. Mantakin n’yo mga suki, magkaparehong pangalan at apelyido ang ginamit ng kanilang kalaban sa pagka-mayor at councilor na nai-file sa Comelec. Ang tinutukoy ko ay sina Dr. Lito Roxas na dating congressman at kanyang maybahay na si reelectionist Councilor Jenny Roxas. Mukhang “dirty tactics” ang style ng mga kalaban nila sa pulitika kaya nagkukumahog ang mag-asawa sa paglakad na maipa-disqualify ang kanilang katukayo sa Comelec upang mawala itong balakid sa kanilang ambisyon sa pulitika. Kung babasihan ang reklamo ng mag-asawa malinaw na taktika ito ng kanilang kalaban. Dapat bang katakutan sina Doc Roxas at Councilor Jenny at sinabayan ang kanilang Certificate of Candidacy upang lituhin ang Comelec at Pasayenos?
Ayon kina Lito at Jenny Roxas nuisance candidate ang nag-file ng COC na maituturing nilang kalaban pagdating ng halalan. Mukhang malaking hamon ito kay Comelec chairman Andy Bautista na dapat na maresolba sa madaling panahon bago maging final ang listahan ng mga kandidato sa Pasay. Ayon pa kay Doc. Roxas, napilitan daw siyang sumabak muli sa pulitika matapos na di masikmura ang maling pamamalakad ng ilang tusong pulitiko sa Pasay City. Ang tinutukoy niya rito ay ang maanomalyang overpricing sa mga proyekto. Ang renovation umano ng mga gusali na dati niyang project para sa mga Pasayenos na ginastusan ng di bababa sa P300 milyon ng kasaluyang administrasyon. Ang masakit daw nito, inutang pa sa Philippine National Bank. Hehehe!
Hindi rin nakalusot sa pag-urirat ni Doc Roxas itong paglipana ng mga illegal terminal sa Lungsod. Milyong datung umano ang naibulsa ng ilang tusong pulitiko. Kahit itanong n’yo pa raw yan kay Moti? Ang masakit hindi raw nabawasan o naresolba ang trapik sa lungsod na naging balakid sa pag-angat ng buhay ng mga Pasayenos. Kung sabagay may katwiran si Doc Roxas dahil namumutiktik ang mga colorum UV Express, jeepney at buses sa Rotonda, Edsa/Roxas Boulevard at Buendia/ Taft Avenue, hindi lamang iyan mga suki, maging ang kahabaan ng Taft Avenue mula sa baundary ng Paranaque City (Baclaran) hanggang Edsa ay sinakop na ng mga vendors. Idagdag ko pa ang pagsakop ng mga vendors sa mga Side walk diyan sa Edsa Taft Avenue hanggang sa Libertad na talaga namang nadudulot ng pagbara ng trapiko. Laganap ang droga, krimen at mamutuktik ang putahan sa lungsod. Tanong ko sa mga taga-Pasay City: May katwiran ba ang mag-asawang Roxas na ipursige ang kanilang ambisyon sa 2016 election?
- Latest